MALAKI ang agwat ng panalo ng tambalan ng mag-asawang Rep. Florida “Rida” P. Robes at Mayor Arthur Robes ng San Jose Del Monte City (SJDM) laban sa kanilang mga nakatunggali sa ginanap na Mayo 9, 2022 halalan.
Humakot ng botong 136,680 si Rep. Robes kaya’t naging malaki ang kanyang kalamangan sa katunggali na nakakuha lamang ng 79,000 na boto.
Nakakuha naman ng napakalaking boto na umabot sa 150,394 si Mayor Robes na malayo rin sa nakuhang boto ng kanyang pinakamalapit na nakatunggali na mayroon lamang 45,000 na boto.
Kahapon ay iprinoklama na ng Commission on Elections ang mag-asawang Robes, kasama ang mga nanalo rin na kanilang ka-tiket sa Arangkada San Joseño.
Lubos ang pasasalamat ni Rep. Robes sa napakalaking suporta na ipinagkaloob sa kanilang liderato ng mamamayan kasabay ng katiyakang ipagpapatuloy ang mabuting pagsisilbi sa bawat San Joseño para sa maayos nilang buhay at magandang kinabukasan.
