QUEZON – Patay ang isang barangay kagawad matapos na barilin sa ulo ng hindi kilalang suspek sa bayan ng Sariaya sa lalawigang ito, noong Martes ng gabi.
Kinilala ang biktimang si Apolinario Rivarez, 66, residente at incumbent barangay kagawad ng Brgy. Bignay 2.
Batay sa report ng Sariaya Police, dakong alas-8:25 ng gabi, nakaupo sa loob ng kanyang bahay ang biktima at umiinom ng lambanog nang malapitang barilin ito sa ulo ng suspek gamit ang isang maiksing baril.
Agad itong ikinamatay ng biktima habang mabilis namang tumakas ang suspek.
Palaisipan pa sa pulisya at sa kapamilya ng biktima ang motibo sa pamamaril. (NILOU DEL CARMEN)
