Palugit ng DILG sa LGUs, mga kandidato CAMPAIGN MATERIALS BAKLASIN SA LOOB NG 3-ARAW

(JESSE KABEL)

BINIGYAN ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ng tatlong araw ang lahat ng mga lokal na pamahalaan at mga kandidato, nanalo man o natalo sa katatapos na halalan para linisin ang kanilang campaign waste materials.

Sa isang advisory, sinabi ni DILG Secretary Eduardo Año na ang pagtatapon ng election propaganda materials ay dapat nakasunod sa mga umiiral na environmental laws para maiwasan ang illegal dumping, open burning, at littering.

Inatasan ng Kalihim ang mga barangay na gamitin ang kanilang material recovery facilities para kolektahin ang mga maaari pang pakinabangan at reusable materials.

Ani Ano, dapat atasan ng local chief executives ang mga organizer ng mga politiko na ilagay sa tamang lalagyan ang mga basurang iniwan ng kanilang political activities.

Hinimok din ng DILG ang publiko na makiisa sa clean up drive ng kanilang Local Government Units (LGUs) at barangay.

Nabatid na sa Quezon City pa lamang, umabot na sa 40 tonelada ng basura ang nakolekta ng Department of Public Order and Safety (DPOS) mula nang simulan nila ang pagbabaklas ng campaign posters sa lungsod.

Ayon kay Retired General Elmo San Diego, head ng QC-DPOS, nasa tatlong truck ng basura ang kanilang napuno mula sa pinagbabaklas na posters at campaign materials sa ilang lugar sa lungsod.

Posibleng mas maraming basura umano mula sa campaign materials ang mahakot sa Metro Manila ngayong 2022 kumpara noong 2019, ayon na rin sa pagtataya ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).

Mula Mayo 7, nakalikom na umano ang MMDA ng 180.87 tonelada ng campaign materials sa National Capital Region. Magpapatuloy ang paghakot hanggang sa susunod na linggo.

“Tingin ko mas marami ngayon,” ani Francis Martinez ng MMDA Metro Parkway Clearing Group..

Noong 2019 midterm elections, aabot sa 168.84 tons ng campaign materials ang nakolekta.

159

Related posts

Leave a Comment