7 NAKAKULONG NA PINOY NURSES SA SAUDI, UMAPELA KAY BBM

Aksyon OFW

MAGANDANG araw, mga ka-Saksi at kabayani!

Nananawagan kay President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ang pitong Filipino nurses sa Riyadh, Saudi Arabia na halos tatlong taon nang naka­kulong dahil sa kasalanang ‘di nila ginawa.

Umaapela rin ang mga Pinoy nurse kay Philippine Ambassador to Saudi Adnan Alonto na sila ay maisailalim sa temporary custody.

Nakausap ni AKOOFW Chairman Dok Chie Umandap, dating OWWA Board of Trustee, si Kimberly na isa sa mga nurse na nakakulong sa deportation center sa Riyadh.

Ang mga Kabayani natin ay pinagbintangan ng kanilang employer na nagnakaw ng mga gamit, tulad ng rice cooker, bed sheet, ref, at washing machine.

Nakulong sila ng isang taon at apat na buwan sa isang police station matapos ipadampot ng kanilang Arabong employer.

“Pinagbabayad kami ng mala­laking halaga na hindi namin alam kung saan kukunin, kahit singko ay wala kaming ninakaw. Nagpunta kami dito sa Saudi para sa aming pamilya,” nagmamakaawang pahayag ni Kimberly.

Ang nais lang ng grupo ay lumipat lang ng ibang klinika pero sa kadamutan ng employer ay ipinahuli at ipinakulong sila nito.

“Nagsimula po ito nang ipinahuli kami ng employer. Umalis kami sa aming employer dahilan sa hindi pinapasahod nang ­maayos. Hindi po kami binibigyan ng maayos na pagtrato. Hindi kami binigyan ng Iqama at hindi rin kami tinatratong tao po,” nai­iyak na pahayag ni Kimberly.

Dahil sa paglayas nila sa employer, kinasuhan sila nito ng “huroob” o pagtakas o run away. Base sa Kingdom of Saudi Arabia’s Labor Law, ang isang “huroob worker” ay pagbabayarin ng multang SR10,000 at pagbabawalang bumalik sa loob ng limang taon sa nasabing kaharian.

Agad na iniugnay ni Dok Chie ang kaso ng pitong nurse sa OWWA. Nangako naman si Director Sheryl na ­ikinukunsidera nilang high profile case ito at nai-coordinate na sa Department of Foreign Affairs-Assistance to National (DFA-ATN) noong May 5 pa.

Nagbigay na rin aniya ng abogado ang Philippine Embassy sa Saudi para tutukan ang kaso ng pitong nurses.

Noong nakaraang taon, ilang beses na rin itong nai-follow-up ng AKOOFW kay Ambassador Adnan Alonto at palagi nitong sinasabi na nakatutok daw sila pero wala namang nangyari.

Nanawagan din si Kimberly kay President-elect Bongbong Marcos Jr. na maantig sa kanilang kondisyon at nawa ay matulungan sila na makalaya at makauwi sa Pilipinas para makapiling na ang kanilang mga kapamilya.

“Bilang halal na Pangulo, kami po ay humihingi ng tulong at sumisigaw ng hustisya upang mabigyang katarungan ang aming mga kaso. Pangulong Bongbong, kami po ay nakipagsapalaran sa Saudi Arabia upang mabigyan ng magandang kinabukasan ang aming mga pamilya. Ngunit sa kasamaang palad ay hindi naging maganda ang aming kapalaran at dumanas po kami ng injustice sa kamay ng aming employer. Napagbintangan po kaming magnanakaw at matagal na kaming nakakulong sa kasalanang hindi namin ginawa. Bilang mga bagong bayani ng ating bansa, nais naming ­maramdaman na kami ay mayroong kakampi, pinagbabayad po kami ng ­ma­laking halaga ngunit bilang simpleng manggagawa, wala po kaming pambayad dito,” apela ni Kimberly.

Bukod sa pitong nakakulong na nurses, may pitong OFWs din na nakakulong sa Jeddah, Saudi Arabia na parehas din nila ang kaso na pinagbintangang nagnakaw ng employer.

Para sa ating mga kabayani na nakakulong sa Saudi Arabia, ‘wag po kayong mawawalan ng pag-asa dahil ang administrasyong Duterte at ang papalit na Marcos administration ay nakatutok sa inyong kaso.

Natapos na ang halalan nitong Lunes, May 9, kaya dapat mag-move on na tayong lahat. Hindi na dapat magmaktol at mag-away-away ang mga pamilya, magkakaibigan, at ­ma­ging FB friends.

Totoong naging very divisive ang nakalipas na eleksyon dahil na rin sa kakaibang paraan ng kampanya ng Leni-Kiko tandem na ginamit ang mga kabataang estudyante para maghasik ng poot, panghuhusga at pambabalasubas sa mga sumusuporta sa BBM-Sara UniTeam.

Sa gitna ng hidwaan at samaan ng loob ng bawat isa, dapat tanggapin na ng mga talunan ang naging desisyon ng taumbayan, wika nga, vox populi, vox dei (The voice of the people is the voice of God).

Bagama’t may akusasyon ang kampo ni VP Leni Robredo at ang grupong Kontra Daya na diumano’y nagkaroon ng dayaan sa katatapos na eleksyon, pinabulaanan naman ito ng COMELEC at mismong PPCRV at NAMFREL dahil wala raw silang nakitang problema sa canvassing ng mga boto, base na rin sa kopya ng transmission ng mga boto.

Nakakalungkot lang na hindi nanalo ang AKOOFW party-list na pinamumunuan ni Dok. Chie dahil hindi nakakuha ng sapat na boto sa nakalipas na halalan.

Gayunpaman, tuloy-tuloy pa rin ang pagtulong at pagbibigay serbisyo ng AKOOFW party-list kahit wala sa pwesto sa ­Kongreso. Hanggang sa susunod na laban sa taong 2025!

372

Related posts

Leave a Comment