(CHRISTIAN DALE)
TINIYAK ng kampo ni presumptive President Ferdinand Marcos Jr. na magiging Pangulo ito ng lahat ng mga Pilipino.
Sinabi ni Atty. Victor Rodriguez, tagapagsalita at chief-of-staff ni Marcos na “nagsalita na ang taumbayan” base sa landslide nitong panalo sa katatapos na 2022 presidential elections.
Aniya pa, ang malaking kalamangan ni Marcos sa boto ay tagumpay ng lahat ng mga Pilipino at demokrasya.
“With 98 percent of the votes counted, and an unassailable lead of over 16 million votes, the Filipino people have spoken decisively,” ayon kay Rodriguez.
Si Marcos ay magiging pang-17 Pangulo ng Pilipinas.
Sa kabilang dako, sinabi ni Rodriguez na ‘looking forward” si Marcos na makatrabaho ang iba’t ibang panig ng bansa, katuwang ang international partners at organisasyon, upang tugunan ang mga mapanuring usapin at simulan ang paglilingkod sa taumbayan.
“To the world, he says: Judge me not by my ancestors, but by my actions,” saad ni Rodriguez patungkol sa sinabi ni Marcos.
Kasabay nito, nanawagan sa mga Pilipino ang kampo ng susunod na Pangulo upang suportahan ang susunod na administrasyon.
Ayon kay Rodriguez, magsisilbi si Marcos sa lahat ng mga Pilipino anoman ang kulay ng pulitika at pinaniniwalaan.
Inimbitahan din ni Rodriguez ang publiko na suportahan ang lahat ng mga bagong halal na kandidato.
Abala ngayon ang kampo ni Marcos sa pagbuo ng transition team na makikipag-ugnayan sa administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Noong Martes, binisita ni Marcos ang puntod ng ama na si dating pangulong Ferdinand Marcos Sr., sa Libingan ng mga Bayani.
Si Marcos o BBM ay tumakbo sa pagka-pangulo bitbit ang plataporma ng “pagkakaisa”, ipinangako nito na isusulong ang economic recovery mula sa naging epekto ng coronavirus disease pandemic.
206
