Hirit ng BARMM sa Comelec TAKE 2 SA 3 BAYAN SA LANAO

TATLONG bayan sa lalawigan ng Lanao del Sur ang kailangan magdaos ng isang special election bunsod ng mga karahasang naganap sa mismong araw ng halalan.

Sa rekomendasyong inihain ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) kay Deputy Director for Operations Teopisto Elnas, kinatigan ng Commission on Elections (Comelec) ang panawagang ideklara ang “failure of election” sa mga bayan ng Tubaran, Binidayan at Butig kung saan hinarang umano ng mga politiko ang pagpasok ng mga balota patungo sa itinakdang polling places.

Naitala rin ang insidente ng pagwasak ng vote counting machines (VCM) sa hangaring isabotahe ang halalan.

Itinakda ang special election sa Barangay Ragayan, bayan ng Butig, at Barangay Pindolonan, Binidayan sa Mayo 15. Kahapon naman isinagawa ang special election sa Barangay Tangcal, Datumanong, Guiarong, Baguiangun, Wago, Malaganding, Gadongan, Riantaran, Pagalamatan, Mindamunag, Paigoday, Pimbataan, Metadicop sa bayan ng Tubaran.

“This is relative to the May 10, 2022, Memorandum of Regional Election Director Ray F. Sumalipao of the Bangsamoro Autonomous Region of Muslim Mindanao, reporting the failure of elections in the Municipalities of Tubaran, Binidayan, and Butig, Lanao del Sur,” saad sa isang bahagi ng resolusyong alinsunod sa probisyon ng Omnibus Election Code.

Una nang idinulog ang pagharang diumano ng mga tagasuporta ng isang mayoralty candidate sa Tubaran sa pagpasok ng mga gurong nagdadala ng mga balota sa isang polling center, habang dalawa pang indibidwal ang nanguna sa pagsira ng vote counting machines (VCMs) sa Bayan ng Binidayan.

Gayundin anila ang naganap sa isang polling precinct sa Butig National High School sa Barangay Sigayan. (FERNAN JOSE ANGELES)

205

Related posts

Leave a Comment