SILAT sa alistong operatiba ng Bureau of Customs (BOC) ang santambak na sigarilyong tinangkang ipuslit ng isang smuggling syndicate sa Limay, Bataan kamakailan.
Sa kalatas ng BOC, timbog sa ikinasang operasyon ng Enforcement and Security Service (ESS) at Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) ng Port of Limay, katuwang ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Bataan Philippine National Police-Drug Enforcement Unit (PNP-DEU), at lokal na pulisya ang isang 20-footer container na naglalaman ng 400 master cases ng Gem cigarettes na gawa ng Gold Leaf Tobacco na nakabase sa South Africa.
Ayon kay Port of Limay District Collector Atty. William Balayo, agad na inabangan ng mga kawani ng kanyang tanggapan ang paglapag ng naturang kontrabando, batay sa timbre ng isang impormante hinggil sa diumano’y tangkang pagpuslit ng droga.
Bagama’t timbog ang target na kargamento, smuggled na sigarilyo at hindi droga ang nakitang laman ng naturang container makaraan ang pagsusuri ng mga elemento ng PDEA gamit ang kanilang K9 sweeping unit.
Nakatakda namang sampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 10863 (Customs Modernization and Tariff Act) ang mga tao at kumpanyang nakatala sa dokumentong kalakip ng naturang kontrabando.
Pagtitiyak ni Balayo, ibayong higpit ang kanilang pinaiiral sa naturang distrito. (JOEL AMONGO)
178 