CARDEMA SINOPLA NG COMELEC

TULUYAN nang kinapon ng Commission on Elections (Comelec) ang giit na argumento ng isang kongresista hinggil sa probisyong kalakip ng resolusyong nagtakda ng mga panuntunan sa “substitution” ng mga kandidato o nominado ng mga partylist groups na lumahok sa halalang naganap nitong nakalipas na Mayo 9.

Ayon kay Commissioner George Garcia, pinahihintulutan ang substitution ng mga nominado ng partylist groups kahit pa lampas na sa araw ng halalan. Gayunpaman, nilinaw ng opisyal na kaingin pa rin dumaan sa komisyon ang anumang palitan.

Partikular na tinukoy ni Garcia ang pagkapanalo ng Pamilya, Pasyente, at Persons with Disabilities (P3PWD) party-list group kung saan ipinalit na nominado si dating Comelec Commissioner Rowena Guanzon.

Dalawang araw na ang nakakaraan nang ihain ni Duterte Youth partylist Rep. Marie Cardema ang isang resolusyong naglalayong pigilan ang pag-upo ni Guanzon sa Kamara. Aniya, obligasyon ng poll body na ipatupad ang Comelec Resolution 10695 na inaprubahan ng en banc commission noong Pebrero ng nakaraang taon.

“Whereas, according to the esteemed former Comelec Commissioner Rowena Guanzon, the voluntary withdrawal and substitution of a participating party-list a day before the 2019 election day, which their rules allowed until election day, was a mockery/circumvention of the law and deprived the electoral the opportunity to be informed and cited,” saad sa isang bahagi ng nasabing resolusyon.

Paniwala ni Cardema, binago ng Comelec ang kanilang rules on substitution, kung saan walang umanong pinahihintulutang palitan ng mga kandidato o nominado pagkalipas ng Nobyembre 15, 2021 para sa 2022 national at local elections.

Kumbinsido rin si Cardema na hindi makakaupo bilang bahagi ng 19th Congress si Guanzon – kung maipapatupad ng wasto ang nasabing Comelec resolution.

Sa impormasyong ibinahagi ng kongresista, wala ang pangalan ni Guanzon sa limang nominado batay sa dokumentong isinumite sa Comelec noong Oktubre ng nakalipas na taon.

“You are prohibited from substituting now. Not by us, but by your own promulgated rules,” ani Cardema kay Guanzon na dahilan kung bakit hindi nagawang umupo bilang kongresista ng kanyang asawang si dating National Youth Commission chairman Ronald Cardema.

Tugon naman ni Garcia – “Legally there is a way in which a partylist organization can change their nominees and that is if all the nominees for example will withdraw or, well, will die and therefore the partylist will substitute all the nominees.”

“There’s a caveat. Whatever changes that may happen in the party-list, it will have to be approved by the commission en banc. We’ll still call for a hearing and it will be subject to our discretion,” dagdag pa niya. (RENE CRISOSTOMO)

150

Related posts

Leave a Comment