SAKLAW NG OFW INSURANCE PINALAWAK

HINDI lamang mga first timer na overseas Filipino workers (OFWs) ang obligadong ikuha ng insurance ng kanilang recruitment agencies kundi maging ang mga direct-hire, rehire at maging ang mga manggagawa na ipinadala mismo ng gobyerno.

Bukod dito, magkakaroon din ng siguradong pondo ang mga OFW na mapapauwi dahil sa pandemya, giyera sa kinaroroonang bansa, civil unrest, natural at man-made calamity kapag naging batas ang House Bill (HB) 10802 overseas Filipino workers’ (OFWs) insurance coverage na pinagtibay sa Kamara sa ikatlo at huling pagbasa sa botong 180 affirmative at 6 negatives votes.
Sa kasalukuyan, tanging ang mga bagong alis na OFWs, land based man o seabased ang inoobligang ikuha ng insurance ng kanilang recruitment agencies subalit kapag narehire ito ng kanilang employer sa ibang bansa ay hindi na sila insured.

Dahil dito, inamyendahan ang “Migrant Workers and Overseas Filipinos Act of 1995” upang kahit na rehire o kaya pinalawig ng kanilang employer ang kanilang employment ay matiyak na may insurance ang mga ito.

Layon nito na magkaroon sapat na pondo ang mga OFW na magkakaroon ng problema habang nasa ibang bansa.

Inaatasan din sa nasabing panukala ang mga kaukulang ahensya na may kinalaman sa OFWs at paggawa na pag-aralan konsultahin ang mga Insurance industry para sa OFWs na mapapauwi kapag nagkaroon ng problema sa kanilang bansa dahil sa pandemya, kalamidad, giyera at civil unrest.

Kapag pumayag ang mga insurance company, ang mga mare-repatriate na OFWs ay makatatanggap ng hanggang $600. (BERNARD TAGUINOD)

227

Related posts

Leave a Comment