NANINDIGAN si Senate Minority Leader Franklin Drilon na hindi pa rin makalulusot ang mga executives ng Pharmally Pharmaceutical Corporation at ilan pang opisyal ng gobyerno na sangkot sa sinasabing anomalya sa procurement ng medical supplies na ginamit sa COVID 19 response.
Ito ay kahit bigo pa ang Senate Blue Ribbon Committee na mailatag sa plenaryo ang kanilang committee report hinggil sa isinagawang pagsisiyasat.
Ipinaliwanag ni Drilon na maaaring buhayin sa 19th Congress ang pagsisiyasat sa anomalyang kinasasangkutan ng Pharmally sa pamamagitan ng paghahain ng panibagong resolusyon para sa pagsisiyasat.
Maari anyang gamitin ng susunod na Kongreso ang lahat ng mga findings at ebidensya na nakalap ngayong 19th Congress at maaring ipatawag muli ang mga testigo at magsumite ng report.
Kasabay nito, iginiit ni Drilon na hindi naman maituturing na nag-aksaya lang ng oras ang Senado sa pag-iimbestiga sa Pharmally kahit hindi maisumite ang report.
Binigyang-diin ng senador na hindi man maisulong ang mga rekomendasyon ay nabunyag na sa publiko ang sinasabing mga anomalya at magsisilbi na rin itong banta sa mga susunod pang opisyal ng gobyerno. (DANG SAMSON-GARCIA)
338 