13 AREAS SA BULACAN ZERO COVID CASE NA

covid

BULACAN – Patuloy na bumababa ang aktibong kaso ng coronavirus sa lalawigang ito, makaraang maitala ang 50 active cases, isang linggo na ang nakararaan at posibleng mabawasan pa ang mga kaso, ito ay matapos iulat na 12 bayan at isang siyudad ang kumpirmadong zero COVID-19 case na bunga ng epektibong health program ng provincial government sa ilalim ng pamumuno ni re-elect Gov. Daniel R. Fernando.

Base sa report ni Felicisima L. Mungcal, hepe ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC)-Malolos, naitala ang kumpirmadong kaso ng COVID sa Bulacan sa bilang na 109,504 at 107,758 dito ang nakarekober at 1,696 ang namatay habang mayroon na lamang active cases na 50 ang lalawigan na pinakamababa mula nang sumiklab ang coronavirus dalawang taon na ang nakararaan.

Ang operational report na ito ng PDRRMC noong Mayo 31 hanggang Hunyo 1 ay ibinase sa ulat ng Department of Health, Provincial Health Office at Bulacan Medical Centre at posibleng mas mababa na ngayon ang aktibong kaso ng coronavirus dahil umabot na sa 13 bayan at siyudad ang wala na ni isang kaso ng COVID.

Ayon sa Provincial Epidemiology and Surveillance Unit (PESU), mula noong Biyernes, Hunyo 3 ay isang siyudad at 12 bayan ang wala nang kaso ng coronavirus at ito ay ang Meycauayan City at ang mga munisipalidad ng Balagtas, Baliuag, Bustos, DRT, Guiguinto, Norzagaray, Obando, Paombong, Pulilan, San Ildefonso, San Miguel at San Rafael. (GINA BORLONGAN)

373

Related posts

Leave a Comment