INILARAWAN ng ilang senador bilang excellent choices sina Professor Clarita Carlos at Cong. Conrado Estrella bilang National Security Adviser at kalihim ng Department of Agrarian Reform.
Sinabi ni Senate President Vicente Tito Sotto III na naniniwala siya sa kakayahan ng dalawa para gampanan ang mga bago nilang posisyon.
Sa panig naman ni Senate Majority Leader Juan Miguel Migz Zubiri, ipinaliwanag na eksperto si Carlos sa geopolitics at hindi rin dapat maging kwestyon ang kanyang gender para sa male-dominated position dahil kilala niya ang tapang at talino nito.
Kinumpirma naman ni Senator-elect Francis ‘Chiz’ Escudero na personal niyang kilala ang dalawa at tiyak siyang kwalipikado ang mga ito sa bagong tungkulin.
Tiwala rin si Escudero na kayang-kaya ni Carlos na bigyan ng mga makabuluhang pagpapayo si Incoming President Bongbong Marcos hinggil sa West Philippine Sea at iba pang national security concerns.
Bitbit anya ni Carlos ang ibang perspective na hindi purong military at sa halip ay mula sa academe.
Iginiit naman ni Senator-elect Loren Legarda na mismong siya ay maraming natutunan kay Carlos bilang kanyang consultant noon sa Senado lalo na sa usapin ng geopolitics at umaasa siyang tututukan nito ang isyu ng climate crisis.
Si Cong. Estrella naman anya ay may personal na kaalaman sa agriculture, rural livelihoods, at lgu concerns kaya’t kakayanin nitong gampanan ang tungkulin bilang DAR Secretary. (DANG SAMSON-GARCIA)
