PAKIPOT NA ASUNGOT

SAKSI NGAYON INSIDER Ni FERNAN ANGELES

HINDI sapat ang katagang pakipot para ilarawan ang abogadong kongresistang si Rodante Marcoleta. Dangan naman kasi, masyadong pa-importante na tila ba walang mas magaling kesa sa kanya.

Unang lumutang ang kanyang pangalan sa talaan ng mga itatalaga sa iba’t ibang departamento. Kabilang sina Atty. Vic Rodriguez na hinirang na executive secretary, Benhur Abalos na isinoga sa Department of the Interior and Local Government (DILG) at incoming Vice-President Sara Duterte sa Department of Education (DepEd).

Andun naman ang pangalan ni Marcoleta. Ang siste, ang target niyang kagawaran, hindi sa kanya ipinagkatiwala kundi sa kapwa niya kongresistang si Boying Remulla na ayon sa mga tsismosong nakababad sa isang malaking tanggapan sa EDSA ay ginastusan ng bonggang-bongga ng isang kontrobersyal na Tsinong negosyante.

Sa isang iglap, nawala ang aliwalas ng kanyang mukha. Ang dating awrang punong-puno ng kumpyansa, naging larawan ng pagkadismaya.

Gayunpaman, bigo man siya masungkit ang DOJ, sumunod namang humugong na siya’y ­ipupwesto sa Department of Energy (DOE). Ang siste, kailangan pa niyang daigin ang mga bigating tulad ng anak ng isang dating Pangulo, nakaupong ERC chairperson, dalawang dating kalihim at ang nag-iisang walang padrino – si Benito Ranque.

Kaya naman pala ang peg niya ngayon, agaw-eksena.

Kesyo ‘di daw siya interesado sa pwesto. Hay naku, Congressman Marcoleta, punong-puno ka ng drama. Kung ako si incoming President Ferdinand Marcos Jr., mapipikon ako… sukat ba namang magmalaki pa sa susunod na Pangulo!

Wika pa ng kongresista, hindi niya pinagpipilitan ang sarili kay Marcos na para bang siya lang ang kwalipikado sa naturang departamento.

Yaman din lang pinag-uusapan ang ­kwalipikasyon, pihadong kulelat siya kumpara sa limang iba pa sa larangan ng enerhiya.

Ang totoo, tanging ang ­Pangulo lang ang may mandatong magtalaga ng mga mamumuno sa iba’t ibang mga departamento. Wala nang iba pa! May pamantayan din si Marcos para sa mga taong itatalaga niya sa pwesto – dapat may sinseridad, paninindigan at kakayahang isa katuparan ang mga ipinangako niya noong panahon ng kampanya.

Bukod kay Marcoleta, dalawa pang aspirante sa DOE, kabilang sina ERC chairperson Agnes Devanadera at Mikey Arroyo, kapwa may kanya-kanyang adyenda – ang isulong ang interes ng ­Meralco at Aboitiz Power, sukdulang isakripisyo ang kapakanan ng mga konsyumer.

Ang tanong, na kay Marco­leta ba ang mga katangiang hanap ni Marcos Jr.?

Anu’t ano pa man, pwede naman daw siyang bumalik sa pagiging kongresista. Eh ‘di wow! Hindi kabawasan ng susunod na administrasyon ang mga tulad ni Marcoleta.

(Si Fernan Angeles ay ­editor-at-large ng SAKSI Ngayon)

171

Related posts

Leave a Comment