LIBRENG SAKAY DAPAT ITULOY NI PBBM – SOLON

HINILING ng isang kongresista sa Kamara kay President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na ituloy ang libreng sakay sa mga pampublikong transportasyon upang matulungan ang mga commuter na pawang manggagawa.

Mula sa Biyernes, July 1, ay ititigil na ang libreng sakay sa Metro Rail Transit (MRT) 3 kasabay ng pagtatapos ng termino ni President Rodrigo Duterte.

“I hope that the new administration of BBM would be able to find ways of continuing to fund the Libreng Sakay program even at least until the end of the year,” pahayag ni Camarines Sur Rep. LRay Villafuerte.

Mas kailangan aniyang ituloy ang libreng sakay lalo na’t naghain na ng petisyon ang jeepneys, transport network vehicle services (TNVS) at mga pampasaherong bus para sa dagdag na pasahe.

Sinabi ng mambabatas na kapag inaprubahan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang fare increase petition ng mga pampublikong sasakyan, lalong bibigat ang kalagayan ng commuters.

Noong Mayo, pumalo sa 4.9 percent ang inflation rate o mabilis na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin lalo na ang pagkain kaya malaking tulong aniya kung ilibre ang mga manggagawa sa kanilang pagpasok at pag-uwi mula trabaho. (BERNARD TAGUINOD)

166

Related posts

Leave a Comment