SINAMPOLAN ng Bureau of Customs (BOC) ang hindi bababa sa 200 kumpanyang pasok sa negosyo ng pag-angkat ng mga kalakal mula sa ibang bansa, bunsod ng hayagang paglabag sa umiiral na batas kaugnay ng taripa at mga ipinapatupad na reglamento ng kawanihan.
Bukod sa 200 importers, kinastigo rin ng kawanihan ang 64 licensed customs brokers na napag-alamang sablay sa pagtalima sa importation requirements na mga kargamento ng kanilang mga kliyenteng kumpanya.
Sa isinapublikong ulat ng Public Information and Assistance Division (PIAD), lumalabas na umabot sa 6,580 importation permits ang nirebisa ng Account Management Office (AMO) mula Enero hanggang Hunyo ng taong kasalukuyan sa hangaring tiyakin ang integridad ng mga transaksyong kalakip ng pumapasok at
lumalabas na kargamento.
Layon din anila ng AMO na linisin ang talaan ng mga kumpanyang may transaksyon sa kawanihan, kasunod ng mga naglabasang ulat hinggil sa paggamit ng mga “dummy importation firms” sa mga illegal smuggling at pandaraya sa buwis at taripang kalakip ng mga inaangkat na kargamento.
Paglilinaw ng BOC, walang kinalaman ang mga naglabasang ulat sa kanilang paglilinis ng talaan. Anila, bahagi talaga ng mandato ng AMO ang tutukan, rebisahin at lapatan ng karampatang aksyon ang mga paglabag ng mga importers at licensed customs brokers.
Katunayan anila, umabot sa 6,580 regular importation permits ang nirebisa ng naturang tanggapan mula Enero hanggang Hunyo, bukod pa ang 185 non-regular permits at 114 licensed brokers.
Mga kawani rin ng AMO umano ang personal na nagbeberika sa integridad ng
mga importers sa mga pagbisita sa mga nakatalang lugar ng kanilang tanggapan, mga pangalang nakalista sa Securities and Exchange Commission (SEC) at imbestigasyon sa rekord ng mga nasabing kumpanya.
“The office is also consistent with its efforts to physically inspect facilities and offices of aspiring importers to ensure the legitimacy of their application and avoid dummy accounts that may be used for smuggling and illegal activities,” saad ng isang bahagi ng naturang ulat.
Sa kabuuang 1,693 kumpanyang ininspeksyon bilang bahagi ng proseso bago
gawaran ng akreditasyon, 100 ang napag-alamang “dummy firms” na agad namang tinabla ng kawanihan.
Pagtitiyak ng BOC, magpapatuloy ang mahigpit na pagsala ng mga aplikasyon ng mga kumpanyang nais makibahagi sa kalakalang pinangangasiwaan ng naturang kawanihan sa hangaring tuldukan ang iligal na aktibidades ng mga sindikatong karaniwang gumagamit ng mga “dummy importation companies” sa pagpupuslit ng mga kontrabando at pandaraya sa buwis at taripang kinokolekta ng gobyerno.
