SABLAY ANG POLYMER BANK NOTES NG BSP!

OPEN LINE Ni BOBBY RICOHERMOSO

NABALOT ng kontrobersya ang bagong labas na mga perang gawa sa polymer matapos na mag-viral ang post ng isang netizen kaugnay sa buong P1,000 plastic banknote na ibinayad niya na hindi umano tinanggap sa SM dahil lamang sa nakatupi ito.

Kahit sino ay mapapakamot ang ulo dahil kakaiba naman talaga ang kasong ito.

Dangan kasi saan ka ba naman nakakita na ang perang pinaghirapan mong kitain at itinupi mo lang nang konti ay hindi naman pala tatanggapin sa mga tindahan sa kabila na legal tender ito at hindi naman counterfeit o peke?

Sa Facebook post ni Reylen Lopez na umani na ng ­libo-libong reaksyon at shares, nagrereklamo siya dahil hindi raw tinanggap sa SM ang ibinayad niya na buong P1,000 polymer bank note.

Ang rason daw ng ­cashier ay dahil folded o nakatupi ito at kahit anong pilit niya ay talagang tinanggihan ang perang ibinabayad niya.

Dahil sa nangyari ay naglabas si Reylen ng kanyang sama ng loob sa social media, kung saan ay ­pinayuhan niya ang publiko na huwag magtabi ng bagong labas na pera na gawa ng BSP.

Nagtataka rin siya dahil hindi naman daw nabigyang paliwanag ang publiko hinggil sa panuntunan na dapat na hindi itutupi ang polymer banknotes.

Suportado natin si Reylen sa kanyang paghihimutok na ito.

Sa totoo lang noong bago ilabas ng BSP ang nasabing bank notes na ipapalit sa kasalukuyang pera ay nagpalabas na ang nasabing tanggapan ng mga kadahilanan noong nakaraang Disyembre, kung bakit kailangang mag-shift na ang bansa mula sa papel na pera patungo sa plastic.

Base sa paliwanag ni ­dating BSP governor at ­ngayon ay Finance Secretary Benjamin Diokno, kailangan na umanong palitan ang perang papel, dahil mas malinis aniya ang plastic money, mas ligtas dahil mahirap i-peke, bukod pa sa mas matibay aniya ito kaya mas mahaba ang life span at environment friendly rin.

Pansinin natin na isa sa dahilan kung bakit papalitan ang perang papel ay dahil sa mas matibay kuno ang polymer notes kaysa rito.

Iyon naman pala eh!

Eh bakit kung mas matibay ito eh kahit tupi ay hindi puwedeng gawin, dahil kapag naitupi at lalo na kung nasira nang konti ay hindi na ito tatanggapin sa mga tindahan na tulad ng SM?

Ibig sabihin ay palpak pala talaga ang polymer bank notes na ito dahil kumpara sa papel na puwede mo gawin kahit ano at kahit lukot ay puwede pa ring ibayad, itong plastic notes naman ay kailangan mong i-baby.

Kung ganyan din lang naman ay ibalik na lang sa dati na gawa sa papel ang pera natin at huwag nang ituloy ang pag-imprenta sa mga ­pabebe na polymer bank notes.

Tsk! Hindi kaya ginamit lang ang polymer bank notes para kumita ang ilang mga henyo riyan sa BSP?

Nakakapagduda talaga!

215

Related posts

Leave a Comment