INFANTA VM RUANTO, 5 PA ABSWELTO SA KASO

IBINASURA ng Department of Justice – Office of the Provincial Prosecutor ang mga kasong Frustrated Murder at Attempted Murder na isinampa ni incumbent Infanta Mayor Filipinas Grace America laban kina Vice Mayor Lord Arnel (L.A.) Ruanto at sa limang iba pa.

Ang kaso kaugnay ng tangkang pananambang sa alkalde ay ibinasura matapos ang mahigit tatlong buwan na pagdinig.

Base sa sampung (10) pahinang resolusyon na inilabas ng panel of prosecutors na inaprubahan ni Provincial Prosecutor Rodrigo Domingo noong ika-27 ng Hunyo, 2022, pinapawalang-bisa ang mga naturang kaso laban kina Vice Mayor Ruanto at mga kasama nito na sina Gilbert Pacio, Ereberto Escueta, Joraffin Fortunato Plantilla, Bobby Vargas at Ronil de Guzman Nolledo dahil sa kakulangan ng sapat na batayan.

Nag-ugat ang nasabing mga kaso matapos ang pananambang at tangkang pagpatay kay Mayor America kasama ang driver na si Alvin America at close aide na si Virgie Borreo noong Pebrero 27, 2022, bandang 11:45 ng umaga sa Rizal St., Brgy. Poblacion 1 habang sakay sila ng sports utility vehicle matapos magsimba.

Sugatan si Mayor America na kaagad inihatid sa lokal na ospital at inilipat sa Medical City sa Metro Manila at ang dalawa nitong kasama ay hindi naman nasugatan.

Nang maganap ang insidente, si Mayor America sa kanyang edad na animnapu (60) ay muling kumakandidato bilang punongbayan sa ilalim ng Partidong Nacionalista at kilalang kaalyado ng pamilya Suarez.

Samantala, ang inakusahan na si Ereberto Escueta ay isa sa kanyang makakatunggali sa pagkapunongbayan at si Ruanto bilang kanyang running mate sa ilalim ng Partidong NPC.
Ilang araw matapos makalabas sa ospital, nagsalita si America at sinabing pulitika ang motibo sa tangkang pagpaslang sa kanya.

Sa pagbalik nito sa munisipyo, ipinagharap ni America ng kasong frustrated murder ang katunggaling si Escueta at limang iba pa sa Office of the Provincial Prosecutor, Infanta District Office bagamat hindi pa umano lumalabas ang opisyal na resulta ng imbestigasyon.

Sa kanyang salaysay, inakusahan ng alkalde sina Escueta at Ruanto bilang mastermind sa pananambang.

Nakuha naman ng Infanta Municipal Police Station ang sinumpaang salaysay mula sa tatlong testigo na naging dahilan ng pagkakakilanlan ng mga nasabing suspek.

Subalit ito ay pinawalang bisa ng piskalya dahil iisa ang tinutukoy ng mga saksi sa pamamagitan ng mga circumstantial evidence na hindi sapat para maging isang probable cause.

177

Related posts

Leave a Comment