INIHAYAG ni Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin Remulla, ang Muntinlupa Regional Trial Court ang may solong awtoridad para magbaba ng desisyon sa kaso sa ilegal na droga na kinahaharap ni dating Senador Leila de Lima.
Ito ay bilang tugon sa inihaing resolusyon nina Senador Koko Pimentel at Risa Hontiveros na humihikayat sa DOJ na iatras ang isinampang kaso laban kay De Lima makaraan ang pag-atras ng testimonya ng mga pangunahing testigo sa drug cases at palayain na ito mula sa pagkakakulong.
Sinabi ni Remulla, ang Muntinlupa RTC na ang may “sole power and authority” sa nakabinbing kaso dahil ang usapin ay bumabagsak sa hurisdiksyon ng mababang korte.
Base rin umano sa rekord, hindi naman naiprisinta ng panig ng depensa bilang kanilang testigo sa korte si dating Bureau of Corrections Officer-in-Charge Rafael Ragos na iniatras ang kanyang testimonya laban kay De Lima.
Sa kanyang affidavit, itinanggi ni Ragos ang nauna niyang testimonya na nag-deliver siya ng pera sa mambabatas. Nagawa lamang umano niya ito nang pilitin siya na mag-imbento ng alegasyon laban kay De Lima.
Dating kasama si Ragos bilang co-accused sa tatlong kaso kasama si De Lima, ngunit inilaglag siya nito makaraang magbigay ng dagdag na sinumpaang-salaysay ukol sa pag-deliver ng pera sa mambabatas noong 2012.
Una nang sinabi ng noo’y si Justice Secretary Menardo Guevarra na nirerebyu nila ang inihain nilang kaso makaraan ang pag-atras ng mga testigo nila kabilang ang umamin na drug lord na si Kerwin Espinosa at tsuper ni De Lima na si Ronnie Dayan.
Sa tatlong kaso sa ilegal na droga na kinahaharap ni De Lima, isa na ang nadismis noong Pebrero 2021. (RENE CRISOSTOMO)
