(BERNARD TAGUINOD)
PAGSASAMAHIN ang dalawang unibersidad sa bayan ng Montalban, Rizal sa ilalim ng University of Montalban (UMont) upang mas maraming kabataan ang makinabang at mapagbuti pa ang kalidad ng edukasyon sa ikaapat na distrito ng lalawigan.
Ito ang nilalaman ng House Bill (HB) No. 2590 na inakda ni Rizal 4th District Rep. Juan Fidel Felipe F. Nograles na layong pagsamahin ang Colegio de Montalban (DCM) at University of Rizal System (URS) Montalban campus.
“Sa ilalim ng House Bill 2590, maglalaan tayo ng kaukulang pondo upang magpatayo ng mga gusali na bubuo sa State University ng ating bayan na tinatawag na University of Montalban o “UMont.” Layunin ng UMont na ipagsama ang CDM at URS (Montalban) at palakasin ang institusyon ng mataas na pag-aaral sa ating bayan,” ani Nograles.
Ang DCM ay itinatag ng Local Government ng Montalban habang ang URS-Montalban campus ay itinayo sa pamamagitan ng Republic Act (RA) 9157 at tanging dalawang tertiary institution sa nasabing bayan.
Ayon kay Nograles, parami nang parami ang tao sa Montalban base sa 2020 census na umaabot na aniya sa 443,954 ang populasyon nito kaya itinuring itong “most populous municipality” sa Pilipinas.
Hindi ito maiiwasan dahil first class municipality ang Montalban at patuloy ang pag-unlad ng komersyo, kalakalan at industriya.
“The influx of people as well as the corresponding economic growth in Montalban Rizal inevitably resulted to the need for a wholistic and expanded public university system that will respond to the relevant and quality learning needs of the constituent of Montalban, Rizal,” paliwanag ni Nograles sa kanyang panukala.
Dahil dito, nais ng mambabatas na pagsamahin ang CDM at URS-Montalban campus upang mas mapalaki ito at magkaroon karagdagang pondo para mas maraming kabataan ang makinabang.
“As the population continues to grow, a greater demand for accessible basic and tertiary education is being confronted by the government. To address this, more schools and higher education institutions should be established,” ayon pa sa panukala.
242 