JUPITER CABLE SYSTEM NG PLDT, HATID AY KAUNLARAN NG PILIPINAS

SA GANANG AKIN Ni JOE ZALDARRIAGA

ISANG mahalagang bagay ang pagkakaroon ng Pilipinas ng isang telecommunications infrastructure na maihahalintulad sa ibang mga bansa dahil ito ay nagsisilbing susi sa pag-unlad ng ating digital economy.

Kaya naman ito ay binigyang diin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa kanyang unang State of the Nation Address (SONA). Aniya, kailangan nating paigtingin ang potensyal ng mga imprastrakturang ito tungo sa mas maayos na serbisyo at pakiki­pagtransaksyon sa pamahalaan at mga lokal na gobyerno.

Ilang araw matapos ang SONA, agad na inumpisahan ng PLDT Inc. ang proyekto nitong Jupiter cable system, ang pinakabago, pinakamabilis, at pinakamalaking direct cable system na kokonekta sa Pilipinas, Estados Unidos, at Japan. Ito ay may 14,000 kilometro ng submarine fiber optic cable na magmumula sa Estados Unidos, Japan, at Pilipinas, at siyang magpapalakassa international data ­capacity at magpapalawak ng digital ­infrastructure ng Pilipinas.

Ayon kay PLDT President at Chief Executive Officer Alfredo S. Panlilio, mahalaga ang programang Jupiter sa paghubog at pagpapaganda ng digital economy.

“Our investment in Jupiter will exponentially boost the ­Philippines’ international capacity, ramp up the global trade of digital services, and propel the nation’s digital economy while increasing internet speed and reliability for Filipinos,” aniya.

Ang proyektong ito rin ang tutugon sa lumalaking demand ng digital services at next ­generation technologies ng mga data-driven global industries na nangangailangan ng mataas na bandwidth requirements katulad ng mga business process ­out­sourcing (BPO), multinational companies, at global hyperscalers.

Paiigtingin din ng programang Jupiter ang international capacity ng PLDT mula sa 20 Terabits per second hanggang sa 60 Terabits per second na inaasahang maghihikayat sa mga foreign investor upang mamuhunan at magtayo ng marami pang negosyo sa Pilipinas.

Sa kasalukuyan, ang PLDT ay mayroong partisipasyon sa 16 na international submarine cable networks at nagpapatakbo sa mga extensive fiber optic ng mga local internet provider, at 803,000 kilometrong kumukonekta sa Pilipinas sa pamamagitan ng fiber connectivity.

Ang pagtaas ng demand sa reliable at high speed connectivity sa mga enterprise ang nag-udyok sa PLDT na palawakin pa ang pamumuhunan nito sa mga makabagong international cable infrastructure upang paigtingin ang network capacity at patatagin ang serbisyo ng internet sa mga customer. Sa susunod na dalawang taon, inaasahan ng PLDT na mailunsad ang dalawa pang international cable system—ang Asia Direct Cable (ADC) at ang APRICOT cable systems.

Ang mga lockdown dahil sa pandemya ay nagresulta sa limitadong kalakalan at transportasyon na siya ring nakaapekto sa e-commerce at media content, ngunit unti-unti naman itong nakabangon dahil sa pagluluwag ng gobyerno sa mga quarantine restriction ng bansa.

Patuloy man tayong nag-a-adapt sa tinatawag na new normal, ang pagpapaigting ng digital infrastructure naman ng bansa ay naging malaking tulong sa mga pampubliko at pribadong sektor sa pag-unlad ng mga merkado pati na ng ating ekonomiya.

203

Related posts

Leave a Comment