OPEN LINE Ni BOBBY RICOHERMOSO
MAINGAY na naman ang iba’t ibang sektor at maging ang mga pulitiko na sumusuporta sa panukala para muling ipagpaliban ang nakatakdang halalan para sa mga opisyal ng Barangay at Sangguniang Kabataan sa darating na Disyembre 5 ng taong kasalukuyan.
Bagama’t medyo may bigat naman ang kanilang pangunahing dahilan sa pagpapaliban ng halalan at ito nga ay dahil kagagaling lang natin sa isang national elections, sa kabilang banda ay nasa batas kasi na dapat na talagang isagawa ito ngayong Disyembre.
Isa pa sa sinasabing dahilan ng mga nagsusulong ng panukalang postponement ay sapagkat anila ay patuloy pa rin ang paglaban ng bansa sa banta ng COVID-19, at ang kasalukuyang mga nakaupong opisyal ng barangay ang nakatulong ng pamahalaan sa pagsugpo rito.
Maaari ngang may katuwiran sila pero baka hindi nila naiisip na halos 10 taon nang nakaupo ang kasalukuyang mga opisyal ng SK at Barangay.
Sa madaling salita ay overstaying na talaga ang nakaupong Barangay at SK officials, kaya panahon na para ituloy ang nakatakdang halalan ngayong darating na Disyembre 5.
Isipin na lang na hindi lang barangay officials ang ihahalal sakaling matuloy ang eleksyon kundi maging mga Sangguniang Kabataan din.
At dahil nga sa tagal na nilang nakaupo ay tiyak na karamihan sa kanila ay lagpas na rin sa takdang edad kung kailan sila dapat magsilbi sa kanilang pwesto.
Ang mahirap kasi sa mga mambabatas na nagsusulong ng extension ng termino ng nakaupong Barangay at SK officials na ito ay hindi nila alam ang nangyayari sa mga barangay at kung ano talaga ang panawagan at hinaing ng mga tao.
Ayos lang sana kung matitino at mahuhusay ang mga opisyal na nakaupo ngayon, pero paano naman kung mga abusado sila at gusto na rin silang mapalitan ng mga nasasakupan nila.
Tulad ng mamamayan na lumalahok sa national at midterm elections na lahat ay sumisigaw ng pagbabago, natural lamang na pagbabago rin ang hangad ng mga residente ng ating mga barangay.
Pero kung patuloy natin silang pagkakaitan ng hangad nilang pagbabago dahil sa paulit-ulit na pagpapaliban ng eleksyon ay maliwanag na paglabag ito sa kanilang karapatan na makaboto na nakasaad naman sa ating Konstitusyon.
Kaya kahit ano pa ang dahilan ng mga gustong ipagpaliban na naman ang SK at barangay elections, hindi na dapat intindihin ito at ituloy na lang ang nakatakdang halalan.
187 