‘HULING BUHAT’ SA PARIS

ROLL VTR Ni VT ROMANO

WALANG world boxing champion ang Pilipinas sa kasa- ­lukuyan, makaraang isa-isang mapagtatalo ang ating mga kampeon.

Nagsimula noong Pebrero nang matalo si Jerwin Ancajas kay Fernando Martinez ng Ar­gentina. Nawala kay Ancajas ang IBF superflyweight belt na hinawakan niya mula 2017.

Buwan ng Mayo nang tanggalan ng WBO bantamweight crown si John Riel Casimero, bunga nang kabiguang maidepensa ang titulo kay Paul Butler.

Ang nangyari kay Casimero, natalo siya outside of the ring.

Masasabi nating pinakamalaking pagkatalo ng isang Pinoy boxer ang 2nd round TKO ni Nonito Donaire kay Naoya ­Inoue noong Hunyo sa Japan, sa kanilang unification rematch.

Nawala kay Donaire ang WBC title at nadagdag ito sa koleksyon ni Inoue (WBA, IBF at WBC).

Nitong Hulyo, magkasunod na naagaw kina Rene Cuarto at Mark Magsayo ang kani-kanilang korona, IBF minimumweight at WBC featherweight, ayon sa pagkakasunod.

Maliban sa mga world champion napagtatalo o naagawan ng korona, may ilang Pinoy boxers ang sumabak sa world title fight, pero nangabigong makahablot ng panalo.

Gaya ni long-time world champion Donnie Nietes. Tinalo siya ni Kazuto Ioka ng Japan sa rematch ng WBO superflyweight championship.

Una rito, si Jonas Sultan na ipinalit kay Casimero bilang kalaban ni Butler ay bigo rin noong Abril.

Habang si Mark Anthony Barriga naman ay tinalo ni Jonathan Gonzalez ng Puerto Rico sa WBO light flyweight championship noong buwan ng Hunyo.

Desperado ang Pilipinas na magkaroon muli ng world champion.

Kaya naman nang manalo si undefeated Dave “Doberman” Apolinario sa South Africa nang kanyang i-knockout sa unang round si Gideon Buthelezi, medyo sumigla muli ang professional boxing, lalo’t tinanghal siyang IBO flyweight champion.

Ipinagbunyi ng mga Pinoy ang nasabing sensational win.

At kahit sabihin pang hindi ka-level ng WBC, WBA, IBF at WBO ang nasabing korona, ang mahalaga may champion pa rin ang Pilipinas kahit minor title na IBO.

Kumbaga, isang hakbang ito upang maihanay si Apolinario sa mga contender ng apat na recognized world boxing governing bodies.

Dahil din sa kanyang IBO win, umakyat ang ranking niya sa WBA, mula sa No. 6 to No. 3 position.

Habang No. 10 at No. 15 pa rin siya sa IBF at WBO rankings, ayon sa pagkakabanggit.

Kung hindi siya mabibigyan ng tsansa sa apat na recognized world boxing bodies, puwede namang magdepensa muna siya ng IBO, upang makaipon ng panalo, mapataas ang ranking sa WBA, WBC, IBF at WBO and at the same time, kumikita rin siya.

***

KAHIT dalawang taon pa ang susunod na Olympic Games, nagpaalam na si champion Hidi­lyn Diaz-Naranjo sa sport ng weightlifting.

Pero bago mangyari ang tuluyan niyang pagreretiro, at bagamat wala na siyang dapat patunayan matapos ang gold-medal finish sa 2020 Tokyo Olympics na kauna-unahang ginto ng Pilipinas sa quadrennial meet, nais niyang magsilbi sa bansa sa pamamagitan ng ‘huling buhat’ sa 2024 Paris Games.

Matalo-manalo sa Paris, iiwan ni Diaz-Naranjo ang entablado ng barbel upang harapin ang kanyang personal na buhay.

Isinantabi muna niya ang dapat sana’y honeymoon matapos ikasal noong nakaraang linggo, upang simulan ang paghahanda sa susunod na Olympic Games.

Natitiyak nating hindi tuluyang tatalikuran ng Olympic gold medalist ang weightlifting, dahil mula pagkabata ito na ang kanyang naging buhay.

Kaya hindi na tayo magtataka kung pipiliin niyang maging mentor sa mga batang lifter, na gaya niya, nangangarap din ng medalya.

674

Related posts

Leave a Comment