MAKARAANG hindi maaprubahan noong nakaraang Kongreso, muling inihain ng isang mambabatas sa Kamara ang panukalang batas na gawing mandato ang 14th month pay sa gobyerno at pribadong sektor.
Katuwiran ni Kabayan Party-list Rep. Ron Salo sa kanyang House Bill (HB) 520 o “14th Month Pay Law”, lalong sisipagin ang mga manggagawa sa gobyerno at pribadong sektor kapag nagkaroon ang mga ito ng karagdagang bonus at insentibo.
Bukod dito, pagkilala rin aniya ito sa kontribusyon ng mga manggagawa sa pag-usad ng ekonomiya dahil kung wala ang mga ito ay hindi magtatagumpay ang isang negosyo at serbisyo sa gobyerno.
Huling kinilala aniya ang kahalagahan at kontribusyon ng mga manggagawa sa gobyerno at pribadong sektor sa pag-usad ng ekonomiya noong 1978 nang ilabas ni dating Pangulong Ferdinand E. Marcos Sr., ang Presidential Decree 851 kaya nagkaroon ng 13th month pay ang mga manggagawa.
Patuloy ring tumataas ang ‘cost of living’ sa Pilipinas kaya nararapat tulungan at maalalayan aniya ang mga manggagawa at kanilang pamilya sa kanilang mga pangangailangan. (BERNARD TAGUINOD)
