BUNSOD ng nararanasang mga pag-ulan, tumaas pa ang bilang ng mga kaso ng dengue mula Enero 1 hanggang Hulyo 23, 2022, ayon sa ulat ng Department of Health.
Nabatid mula sa DOH, pumalo na sa 92,343 ang naitalang kabuuang kaso ng dengue sa bansa.
Mas mataas ito ng 118% kumpara sa iniulat na mga kaso sa parehong period noong 2021 na nasa 42,294 lamang, saad ni Health Officer-In-Charge Undersecretary Maria Rosario Vergeire.
Pinakamaraming iniulat na kaso ng dengue sa Region III na may 15,951 cases o 17%; kasunod ang Region VII na may 9,429 kaso o 10%, at ikatlo ang National Capital Region na may 7,962 o 9%.
Mula noong Hunyo 26 hanggang Hulyo 23, nadagdag ang nasa 21,566 kaso ng dengue na ang pinakamataas ay sa Region 3 na may 5,186, kasunod ang NCR na may 2,374 at Calabarzon na may 2,178 kaso.
Sa buong bansa, nakapagtala na ng 344 namatay sa sakit na may 0.4% case fatality rate. (RENE CRISOSTOMO)
