WALANG choice ang Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) kundi tanggapin ang desisyon ng Fiba – na payagan si Filipino-American at Utah Jazz guard Jordan Clarkson na maglaro sa Gilas Pilipinas hindi bilang local kundi naturalized player.
Sinabi ni SBP Executive Director at spokesperson Renauld ‘Sonny’ Barrios sa online Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum nitong Martes, nalulungkot sila sa pasya ng federation.
“Sabi nga Bull by the horn, horn by the Bull. Hindi na puwede siya maglaro as local. Tinanggap na namin sa SBP na naturalized lang ang classification niya sa Fiba. We tried our best, our very best and maraming pagsisikap na makuha ang ating kagustuhan, pero yan gagamitin na talaga natin siya as naturalized. There is no turning back.”
Samantala, labis na ikinatuwa umano ng NBA Sixth Man of the Year ang pagrerepresenta sa Pilipinas sa international tournament gaya sa last window ng Fiba Asia Cup qualifiers sa Agosto 25 kontra Lebanon na gaganapin sa Beirut, at 29 kontra Saudi Arabia sa Mall of Asia Arena, Pasay.
“Nakakataba ng puso na kapag nakakausap mo siya ay talagang masigasig siya na makapaglaro para sa Pilipinas. Hindi naman sa kung anuman pero sana gayahin siya ng mga local players natin na maglalaro basta para sa bansa natin,” wika ni Barrios.
Maliban kay Clarkson, inaasahang maglalaro din sa last window ang magkapatid na Kiefer at Thirdy Ravena, maging sina Dwight Ramos, Bobby Ray Parks, Carl Tamayo at Kevin Quiambao.
Tumanggi naman si Barrios na pangalanan ang mga PBA player na isasama sa Gilas lalo’t ongoing ang semifinals ng 2022 Philippine Cup sa pagitan ng SMB at Meralco, at TNT at Magnolia.
KAI GUSTONG MAGLARO PERO…
NAIS ni Kai Sotto na maglaro sa Gilas Pilipinas, subalit wala sa kanyang mga kamay ang pagpapasya kundi nasa agency niya.
Nakatakdang maglaro si Sotto ng isa pang season kasama ang Adelaide 36ers sa NBL Australia.
“Gusto niyang lumaro sa Gilas, but we’re still talking to him,” sambit ni Barrios. “Nawa’y maging positive ang sagot ng kampo ni Kai sa ating panawagan.”
Inamin ng SBP official, kailangan ng matataas na players gaya ng 7-foot-3 na si Sotto upang matulungan ang national squad.
“Your country needs you (Kai),” ani Barrios.
“Sabi ko nga sa anecdote ko about Marlou Aquino, noong kailangan siya ni national coach Joe Lipa, sinabihan siya ng tatay niya na nasa probinsiya na maglaro para sa national team na agad nitong ginawa. Sana magawa rin ng kampo ni Kai pagbigyan siya na maglaro muli para sa bansa.” (ANN ENCARNACION)
