Ni angel f. jose
TAPOS na ang honeymoon period. Ito ang siniguro ni Customs Commissioner Yogi Filemon Ruiz, kasabay ng anunsyo hinggil sa pinananabikan pagtugis sa mga sindikato sa likod ng agri-smuggling sa bansa.
Bukod sa agri-smugglers, puntirya rin ni Ruiz ang mga aniya’y mga tiwaling kawani sa loob at labas ng pinamumunuang ahensya ng gobyerno.
Sa isang pulong-balitaan kamakailan, hayagang ipinangako ni Ruiz na isinasakatuparan na ng kanyang tanggapan ang direktiba ng Pangulong siya ring tumatayong Kalihim ng Department of Agriculture (DA).
Aniya, tanging ulat na lamang sa mga pagdinig ng Senado ang kanilang hinihintay para umpisahan ang pagtugis at paghahain ng mga kaukulang kaso sa mga pribadong korporasyon at maging ang mga tinutukoy na dating opisyal ng pamahalaan na sangkot sa malawakang agri-smuggling sa iba’t ibang panig ng bansa.
“Kakastiguhin batay sa umiiral na batas ang mga mapapatunayan sangkot sa sabwatang pahirap sa mga magsasakang Pilipino,” ani Ruiz.
Nang tanungin kung anong plano niya sa mga dating opisyal na inakusahang protektor ng mga sindikato – “We will not give them any peace of mind.”
Buwan ng Hunyo nang tuldukan ng Senado ang mga pagdinig na kalakip ng imbestigasyon sa 22 opisyales ng gobyerno (kabilang si dating Customs Commissioner Rey Leonardo Guerrero) at mga ‘di umano’y smugglers sa likod ng malawakang pagpupuslit ng gulay, bigas, prutas, isda manok at karne mula sa mga karatig bansa sa Asya.
Gayunpaman, pinabulaanan ni Guerrero at iba pang opisyales ng kawanihan ang mga paratang laban sa kanila.
Para kay Ruiz, higit na kailangan kumalap ng sapat na ebidensya para tiyaking hindi maabswelto ang mga akusado – tulad ng mga ibinasurang asuntong inihain ng BOC laban sa mga pinaniniwalaang bigtime smugglers.
Ayon pa sa BOC chief, hindi niya nanaisin masayang ang lahat ng pagpupursigi ng kawanihan kontra smuggling – kabilang ang operasyon sa Cagayan de Oro kung saan paulit-ulit na
nabulilyaso ang isang kumpanya.
Tumanggi naman ang opisyal na magbigay ng iba pang detalye para ‘di aniya sila masabotahe.
“The bureau was profiling suspected smugglers as a preventive measure to suppress their illegal activities. Intensified intelligence and enforcement operations and consistent examination and inspection of containers in various ports of entry nationwide had been put in place,” pagtitiyak pa Ruiz.
Patuloy rin aniya ang kanilang isinasagawang imbestigasyon sa mga opisyal at kawani ng BOC.
“The BOC conducts ongoing administrative investigations against BOC officials and personnel allegedly involved in illegal and irregular activities. Recently, the BOC Commissioner met with the League of Associations of La Trinidad Vegetables to discuss measures to suppress agricultural smuggling that heavily affects the local farmers,” dagdag pa niya.
Bukod sa imbestigasyon sa mga opisyales at kawani ng BOC, patuloy rin aniya ang pakikipag-ugnayan ng kanyang tanggapan sa Department of Agriculture (DA) hinggil sa mekanismong magbibigay-daan sa pagwawakas ng agri-smuggling sa bansa.
232 