PATAY ang isang hindi pa kilalang residente makaraan ang nangyaring sunog sa isang kabahayan sa Paco, Manila noong Lunes ng madaling araw.
Habang apat namang bombero ang bahagyang nasugatan nang tumagilid ang sinasakyang fire truck habang nagreresponde sa nasabing sunog.
Base sa ulat ng Manila Fire Department ng Bureau of Fire Protection, sumiklab ang sunog sa residential area sa Fabie Street sa Brgy. 815, Paco, Manila bandang ala-1:17 ng madaling araw.
Dakong ala-1:27 ng madaling araw nang ideklara ng BFP ang sunog sa ikalawang alarma at dakong alas-2:04 ng madaling araw nang tuluyang makontrol ang pagkalat ng apoy.
Sa isinagawang mapping operation, nadiskubre ang bangkay ng isang residente na nakulong sa nasunog niyang bahay. Inaalam pa ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng nasabing biktima.
Umabot naman sa walong firetrucks ang nagresponde sa insidente ngunit may isang hindi na nakarating nang tumagilid sa bahagi ng Pedro Gil Street sa Brgy. 866 dahil sa pagmamadali.
Ayon sa kuha ng CCTV, mabilis ang takbo ng firetruck ngunit pagsapit sa isang interseksyon ay nag-alangan ito dahil sa truck na nasa kabilang lane.
Bunsod nito, kinabig ng driver ang fire truck nang pakanan ngunit
nabuslot ito sa kinukumpuning bahagi ng kalsada dahilan para tumagilid ang sasakyan.
Agad namang isinugod sa pagamutan ang apat na bumberong sakay ng truck na nasa maayos nang kalagayan. (RENE CRISOSTOMO)
370 