3 MANILA COPS DINAKIP SA PRESINTO

INARESTO ng mga tauhan ng Integrity Monitoring and Enforcement Group (IMEG) ng Camp Crame ang tatlong miyembro ng Paco Police Community Precinct ng Manila Police District sa inilatag na entrapment operation sa kasong extortion sa loob mismo ng nasabing PCP sa panulukan ng Pedro Gil at Linao streets sa Paco, Manila noong Lunes ng gabi.

Kinilala ang mga inaresto na sina P/SSgt. Erwin Licuasen y Basilan, 34; P/Cpl. Chimber Rey Importa, 32, at Pat Leopoldo Tuason y Nival, 39-anyos.

Batay sa ulat ng pulisya, bandang alas-10:15 ng gabi nang isagawa ang entrapment sa loob ng Paco PCP.

Ayon sa report, dalawang indibidwal ang nagtungo sa PCP at nakiusap kay P/SSgt. Licuasen hinggil sa naka-impound na motorsiklo.

Ngunit humingi umano ang nabanggit na mga pulis ng hindi pa batid na halaga kapalit ng pagbawi sa kanilang sasakyan.

Nasa akto umanong iniaabot ang pera nang sabay-sabay na nagpasukan ang ilang tauhan ng IMEG na nakabase sa Camp Crame, at pinosasan ang tatlong pulis. (RENE CRISOSTOMO)

181

Related posts

Leave a Comment