PAREHONG desididong manalo ang San Miguel at Meralco upang makapasok sa finals ng Philippine Cup sa ika-47 season ng PBA.
Para sa Beermen ni coach Leo Austria, nais nilang tuldukan ang tatlong taong pagkabigo sa All-Filipino Cup. Noong 2019 pa huling nakapaglaro ang team sa finals ng first conference ng liga.
Para naman sa Bolts ni coach Norman Black, kailangan nilang samantalahin ang pangalawang pagkakataong makarating sa finals. Noong 2020 bubble ay nabigo ang koponan laban sa kinalauna’y nag-kampeon na Barangay Ginebra, sister team ng SMB ng RSA (Ramon S. Ang) Group.
Nauna na sa finals ang sister team ng Meralco sa MVP (Manny V. Pangilinan) Group na Talk ‘N Text, na sinupil noong Linggo ang isa pang RSA Group team na Magnolia sa Game 6 ng kanilang best-of-seven semis series. Natablahan naman ng Bolts ang Beermen, 3-3, kaya humantong sila sa Game 7 ngayong Miyerkoles.
Kaya matira-matibay ngayong alas-6 ng gabi ang SMB at Meralco, dahil isa lang ang maaaring magwagi para sa huling silya sa finals.
Malaki ang pananalig ni coach Norman na makababawi sila sa Beermen. Ngunit wala rin sa plano ni coach Leo na magpatalo sa Bolts. (EDDIE G. ALINEA)
202 