CAVITE – Pinaghahanap ng Cavite Police ang isang lalaki matapos pagbabarilin ang mag-ama na ikinamatay ng isa sa mga ito nang hindi masingil ang utang sa bayan ng General Mariano Alvarez (GMA) sa lalawigang ito, noong Miyerkoles ng gabi.
Kinilala ang suspek sa alyas na “Fajad” habang ang mga biktima ay ang mag-amang sina Mario R. Napili, 66, namatay sa insidente, at Marlon V. Napili, 35, nilalapatan ng lunas sa ospital, kapwa kapwa construction worker.
Ayon sa ulat ni P/MSgt. Jonarey Visa ng GMA Police Station, nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang suspek at si Marlon dahil sa utang na humantong sa pamamaril ng una sa mag-ama dakong alas-7:00 ng gabi sa construction site sa #22A Strawberry Hills, Brgy. F. Reyes, GMA, Cavite
Unang pinaputukan gamit ang isang kawangis ng kalibre .45 na baril pero 9mm ang bala, ng suspek ang anak na tinamaan sa kamay, saka binaril ang ama nito na napuruhan.
Matapos ang pamamaril, sumibat ang suspek at umano’y nagtago sa San Pedro City, Laguna habang ang mag-ama ay isinugod sa CARSIGMA Hospital subalit idineklarang dead on arrival si Mario. (SIGFRED ADSUARA)
