Tumakas sa anak para umuwi sa probinsya LOLO NAHULOG SA DRAINAGE, PATAY

CAVITE – Hindi na nakabalik nang buhay sa probinsya ang 78-anyos na lalaki nang mahulog sa walang takip na drainage sa loob ng subdibisyon sa Gen. Trias City sa lalawigang ito.

Naisugod pa sa Gen. Trias Medicare Hospital ang biktimang si Danilo Montierde subalit idineklarang dead on arrival.

Ayon sa ulat ni P/SSgt. Ernesto Angue Jr. ng Gen. Trias City Police, naglalakad ang biktima sa loob ng South Square Village sa Brgy. Pasong Kawayan, Gen. Trias City dakong alas-11:00 noong Sabado ng gabi upang umuwi sa kanilang probinsya sa Nueva Ecija.

Ngunit pagsapit sa isang madilim na bahagi ng lugar nang hindi nito napansin ang isang drainage na walang takip dahilan upang siya ay mahulog.

Nabatid na alas-7:00 noong Linggo ng umaga nang natagpuan ng mga barangay tanod ang biktima na isinugod pa sa ospital subalit idineklarang dead on arrival.

Ayon kay Angue, dalawang beses nang tumakas sa kanilang bahay ang biktima para makauwi ng probinsya subalit naagapan ng kanyang mga anak.

“Gusto nang umuwi ng probinsya ang matanda dahil naiinip daw siya, pero wala pa daw maibigay na pamasahe ng kanyang mga anak. Noong una niyang pagtakas, nakita siya sa Buenavista tapos pangalawa sa Pasong Kawayan,” ayon kay Angue.

Tumanggi nang isailalim sa awtopsiya ang bangkay ng matanda dahil naniniwala ang kanyang mga anak na walang nangyaring foul play sa kanyang pagkamatay ng biktima. (SIGFRED ADSUARA)

136

Related posts

Leave a Comment