MISIS AT IRANIAN LOVER, IPINADAKIP NI MISTER

CAVITE – Ipinaaresto ng isang 46-anyos na welder ang kanyang misis at ang lover nitong Iranian national nang madiskubreng limang taon nang nagsasama ang mga ito sa iisang bubong sa bayan ng Tanza sa lalawigang ito, noong Huwebes ng hapon.

Nahaharap sa kasong paglabag sa Art. 33 ng Revised Penal Code (adultery) ang mga suspek na sina Cynthia Tampol Atienza, 28, at Saeed Habibi, 54, Iranian national, kapwa naninirahan sa Brgy. Julugan 6, Tanza, Cavite, dahil sa reklamo ni Resty Gahol Atienza, ng Brgy. Santol, Balayan, Batangas.

Ayon sa salaysay ni Resty kay P/MSgt. Resty De Ocampo ng Tanza Police Station, lumuwas siya mula Batangas papuntang Cavite nang malaman niya na ang kanyang misis ay nakikisama na sa isang Iranian national.

Sa tulong ng barangay officials at mga awtoridad, inaresto ang dalawa sa loob ng isang lodging house dakong ala-1:10 ng hapon.

Nag-isyu ng certificate of residency ang Barangay Julugan na nagpapatunay na limang buwan nang residente ang dalawa sa Brgy. Julugan 6, Tanza, Cavite

Ang dalawa ay nasa kustodiya na ng Tanza Police. (SIGFRED ADSUARA)

196

Related posts

Leave a Comment