BASILAN – Tatlong kasapi ng Philippine Army 18th Infantry Battalion ang namatay kasunod ng sagupaan laban sa isang grupo ng lawless elements sa Barangay Magkawa, sa bayan ng Al Barka sa lalawigang ito noong Huwebes ng hapon.
Ayon sa inisyal na ulat na ibinahagi ni BGen. Domingo Gobway, commander ng Joint Task Force Basilan, hinihinalang inabangan ng nasa pitong miyembro ng lawless elements na pinamumunuan ng isang Abaas Jangkatan, ang mga sundalong papalit sana sa isang military detachment.
Tumagal ng sampung minuto ang bakbakan na ikinamatay ng tatlong sundalo, dalawa rito ay dead on the spot habang nadala pa sa pagamutan ang isa subalit nalagutan din ng hininga habang nilalapatan ng lunas.
Naniniwala si BGen. Gobway na nalagasan din ang kanilang nakalaban na hinihinalang gumanti lamang dahil marami ang namatay sa kanilang grupo nang makasagupa ang military noong nagdaang buwan.
“We are deeply saddened by the report that three of our brave soldiers were killed in action while performing their duties. We pray for their eternal repose and we extend our commiseration to their bereaved families,” pahayag naman ni Lt. Gen. Alfredo Rosario, Jr., commander of Western Mindanao Command.
Tiniyak ni Lt. Gen Rosarion na hindi lulubayan ng Army 18th IB ang pagtugis sa nasabing grupo.
“Rest assured that we will work doubly to prevent the enemies of the state from creating havoc in the peaceful communities. Our troops continue to render selfless service round-the-clock to ensure the safety and security of the peace-loving people of Basilan,” ayon pa sa WestMinCom Commander. (JESSE KABEL)
