PAGHINA NG PISO KONTRA DOLYAR, DAPAT BANTAYAN

SA GANANG AKIN Ni JOE ZALDARRIAGA

SUNOD-SUNOD ang paglabas ng balita ukol sa pagbaba ng halaga ng piso kontra dolyar. Noong ika-23 ng Setyembre, muling ­bumaba ang halaga ng piso sa P58.50 kada dolyar. Ito ang pinakamalaking pagbaba na naitala sa kasaysayan. Gayunpaman, hindi lamang piso ang nakararanas ng mabilis na pagbaba ng ­halaga at upang maintindihan ang nangyayari, kailangang suriin at tingnan ang ­sitwasyon gamit ang mas malawak na perspektibo.

Bagaman walang tinatawag na “global currency”, ang dolyar ang pangunahing perang ginagamit ng iba’t ibang mga bangko, korporasyon, at mga bansa sa mga transaksyon dahil sa likas na katatagan nito. Bunsod nito, ano mang polisiya ang ­ipatupad ng US Fede­ral ­Reserve o ng Bangko Sentral ng Amerika bilang tugon sa mga pangyayari sa ­ekonomiya nito, ay magkakaroon din ng epekto sa ibang bansa kabilang na ang Pilipinas.

Ayon sa mga eksperto, ang sunod-sunod na pagtaas ng interest rate sa Amerika ang dahilan ng pagbaba ng halaga ng piso. ­Kasalukuyang mataas ang antas ng inflation sa Amerika kaya itinataas ng US Federal Reserve ang interest rate upang mahikayat ang mga negosyo at mamamayan na magtabi ng pera sa halip na gumastos. Mahihikayat din ang mga investor na mamuhunan dito dahil mataas ang interest rate. Ang pamumuhunan ng mga investor sa Amerika ang dahilan kung bakit bumababa ang halaga ng ibang pera kontra sa dolyar. Inaalis kasi ang dolyar sa ibang bansa at ibinabalik sa Amerika.

Ayon sa mga eksperto, hindi dapat mangamba dahil pansamantala lamang ito. Mayroon ding mga sektor ng ating ekonomiya na ­nakikinabang sa sitwasyon. Tataas ang kita ng mga ­kumpanyang nasa industriya ng export dahil dolyar ang karaniwang ibinabayad sa mga ito. Tumataas din ang cash remittance mula sa Overseas Filipino Workers (OFW).

Batay sa datos ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), ang mga OFW remittance na dumaraan sa mga bangko sa bansa ay tumaas ng 2.3%. Kung ikukumpara sa $2.85 bilyon noong Hulyo 2021, ito ay tumaas sa $2.92 bilyon nitong Hulyo 2022. Ito ay epekto ng pagtaas ng halaga ng dolyar kontra piso.

Ang BSP, bilang pangunahing ahensyang may kontrol sa interest rates sa bansa, ay nagpapatupad ng mga polisiyang makapagpapataas ng interest rate sa bansa upang pataasin ang demand para sa piso at kontrahin ang pagbaba ng halaga nito. Kapag itinaas ang interest rate, mahihikayat ang mga investor na magpasok ng pera sa bansa. Ang pagtaas sa demand para sa piso ay makatutulong sa pagpapalakas nito. Noong ika-Setyembre 22 ay muli ring nag-anunsyo ng pagtaas ng interest rate ang ang BSP kasabay ng pagbaba ng halaga ng piso. Mula sa 2% noong Pebrero, ito ay nasa 4.25% na sa kasalukuyan.

Magtiwala tayo sa mga eksperto dahil sila ang higit na nakakaalam ukol sa ganitong mga bagay. Pansamantala lamang ang sitwasyong ito, at mayroon din naman palang mga sektor ng ating ekonomiya na natutulungan ng pagtaas ng dolyar. Nakapapanatag din ng kaloobang malaman na mayroon naman palang ginagawa ang BSP upang pataasin ang halaga ng piso.

180

Related posts

Leave a Comment