PAGTAAS AT PAGBABA NG INTEREST RATE, INFLATION, AT IBA PA

MONEY MAN Ni VICTORINO O. VASCO III

ANONG ibig sabihin ng ­Inflation? Ang inflation ay ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo sa merkado.

Paano ikontrol ang inflation? Mabisang sandata laban sa inflation ang pagtaas ng interest rate. Ito ay upang maging mahal ang halaga ng pag-utang sa mga bangko at mabawasan ang pera sa merkado. Dahil dito, bumabagal ang pagtaas ng presyo sa kadahilanang nababawasan na ang gumagastos sa merkado.

Para mapabuti ang inflation, lagi itong binabantayan ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) at gumagamit din sila ng indicators katulad ng Consumer Price Index, Producer Price Index at iba pa.

Ito ay upang malaman nila kung kailangan nilang itaas o ibaba ang interest rates sa merkado.

Bakit agresibo sa pagtaas ng interest rate ang Amerika? Mataas na 8.3% ang inflation rate sa America at nais nila pababain ito agad. Para kay Fed Chair Jerome Powell, lalabanan nila ang mataas na inflation sa pamamagitan ng pag-angat ng interest rate. Patuloy nila itong gagawin hanggang mapabuti ang kasalukuyang problema sa inflation.

Apektado ang Pilipinas sa pagtaas ng interest rate sa Amerika.

Kapag ang Amerika ay nagtaas ng interest rate, nahihikayat nila ang ­malalaking foreign investor sa ating bansa na maglipat ng ­kanilang investment tungo sa Amerika o kaya papalitan ang kanilang pera sa dolyar. Sa kadahilanang malaki ang kikitain nila sa investment sa Amerika. Magiging matatag din ang perang dolyar.

Sa pangyayaring ito rin, lumalabas ang dolyar na investment nila sa ating bansa patungong America. Nagreresulta ito sa paghina ng halaga ng piso kontra dolyar.

Kinakailangang sabayan ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang paggalaw ng interest rate ng America upang hindi mahikayat na umalis ang foreign investment sa ating bansa at kumita sila ng sapat. Sa pangyayaring ito, ang halaga ng piso kontra dolyar ay hindi masyadong apektado.

Inaasahan ang pagbuti ng kasalukuyang 6.3% inflation rate sa ating bansa sa pagtaas ng interest rate. Target ng gobyernong mapababa ang inflation rate hanggang 2-4% ngayong taon.

309

Related posts

Leave a Comment