PINANGUNAHAN ni Bulacan Vice Governor Alex Castro (2nd right) ang launching at ribbon-cutting ceremony ng Vice Gov. Action Center na magsisilbing satellite office ng tanggapan nito. Kasama sa larawan ang kanyang maybahay na si Sunshine Garcia (kanan), Mayor Omeng Ramos (2nd left) at Vice Mayor Eboy Juan (kaliwa) na ginanap sa Municipal Building ng Sta. Maria nitong Lunes, Oktubre 3, 2022. Kuha ni: ELOISA SILVERIO
PINASINAYAAN ang kauna-unahang satellite office ni Vice Governor Alex Castro na matatagpuan sa gusali ng Pamahalaang Bayan ng Sta. Maria, Bulacan nitong Lunes (Oktubre 3, 2022).
Pinangunahan ni Castro at kanyang maybahay na si Sex Bomb Sunshine Garcia kasama si Sta. Maria Mayor Omeng Ramos ang ribbon-cutting ceremony ng satellite office na tatawaging VG Action Center matapos ang isang Banal na Misa na pinangunahan ni Msgr. Albert Suatengco na siya ring nagbasbas ng nasabing opisina.
Ayon kay Castro, una pa lang ito na magsisilbing extension ng kanyang tanggapan sa bawat distrito ng lalawigan ng Bulacan.
Aniya, magkakaroon ang anim na Distrito ng VG Action Center at ang isusunod niyang lalagyan ay ang District 3 sa bayan ng San Rafael na itatayo rin ngayong Oktubre.
Pinasalamatan ni VG Castro ang Pamahalaang Bayan ng Sta. Maria sa pangunguna at pakikiisa ni Mayor Ramos kung saan ay pinayagan sila na ipahiram ang isang opisina para magamit bilang extension office ng tanggapan ng Vice Governor’s Office.
“Makasaysayan po ang araw na ito sapagkat sa unang pagkakataon ay nagkaroon ng satellite office ang Vice Governor ng Bulacan. Bokal pa lamang po ako ay pangarap ko na po ito–na mas mapadali at mas mabilis ang pag-aabot ng tulong sa ating mga kababayan,” ayon kay Castro.
Sinabi nito na hindi na kailangan pang pumunta ng Kapitolyo ang mga tao para humingi ng tulong dahil ang kanyang tanggapan na mismo ang lalapit sa mga nangangailangan.
Nabatid na alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon tuwing Martes at Biyernes bubuksan sa mga humihingi ng tulong ang satellite office.
Binigyan naman ni Castro ng Sertipiko ng Pagpapahalaga ang Pamahalaang Bayan ng Sta. Maria sa pamumuno ni Mayor Ramos kasama ang buong Sangguniang Bayan. (ELOISA SILVERIO)
330 