NAKITAAN ng probable cause ng piskalya ng Lungsod Pasig para sampahan ng asunto ang mga opisyal ng Fujifilm Philippines dahil sa reklamong “other deceits”.
Sa resolusyon ng piskalya, sasampahan ng reklamo sa korte sina Ryo Nagaoka, Evan Reyes at John Paul Camarillo, at mga opisyal ng Fujifilm Healthcare Asia Pacific Pte Ltd (Singapore) na sina Anil Jacob John, Dinesh Mehra at Erik Koh sa krimeng “other deceits” na may kaparusahan sa ilalim ng Artikulo 318 (1) ng Revised Penal Code.
Nabatid na inakusahan ng Sunfu Solutions, Inc. ang mga opisyal ng Fujifilm ng pandaraya at panlilinlang sa pamamagitan ng pagbibigay ng First Tier Distribution Certificate na may petsang January 6, 2022, na nagbigay pahintulot sa Sunfu na ipamahagi ang mga kagamitang medikal ng Fujifilm para sa OFW Hospital and Diagnostic Center sa Pampanga, gayunman, natuklasan ng Sunfu na huwad ang pangako at walang plano ang Fujifilm na tumupad sa usapan.
Ayon sa Sunfu, nabunyag ang panlilinlang na ito nang mag-isyu rin ang Fujifilm ng First Tier Certification sa isa pang bidder dahilan para mawalan ng bisa ang nauna nitong inisyu sa Sunfu.
Isinumite ng Sunfu ang email at whatsapp messages na nagmula kay Anil John, isang opisyal ng Fujifilm Singapore, bilang ebidensya.
Nagtiwala ang Sunfu sa mga pahayag at kinatawan ng Fujifilm na ang First Tier Certificate ay eksklusibo, na siyang gawain sa kanilang industriya at gayon din ang naging pagtrato sa kanilang mga nakaraang transaksyon.
Nang malaman ng Sunfu sa simula ng subasta na may katulad na sertipiko na inisyu ang Fujifilm sa isa pang kakumpitensyang bidder, humingi ito ng paglilinaw ngunit hindi umano ito tinugon ng Fujifilm.
Sa simula, pinalabas umano ni Anil John na hindi ganoon kahalaga ang usapin sa pagsasabing “we [Fujifilm] will support whoever stands a good chance at winning it” bago pa man ipinaalam ni Evan Reyes sa Sunfu na “we already confirmed [to the DOLE] that we can only support one dealer (the other) for this.”
Dahil sa naantalang kumpirmasyon na hindi nito susuportahan ang bid ng Sunfu, na siyang naglagay dito sa sitwasyon kung saan ito ay walang umiiral na First Tier Certificate, nawalan ng pagpipilian ang Sunfu kundi umatras mula sa post-qualification phase ng bid.
Ipinaliwanag ng Sunfo na nabiktima at nalinlang sila dahil pinaniwala na maaari silang mag-distribute ng Fujifilm medical equipment na sa huli ay lumabas lamang na hindi totoo at nasayang ang kanilang oras at gastos sa pagsali sa bidding.
Bilang tugon, ang Tanggapan ng Piskalya ng Lungsod Pasig ay naglabas ng mga resolusyon na may petsang Abril 12, 2022 at Agosto 15, 2022 na nagsasaad na ang ebidensya ay may probable cause na ang “kabuuang aksyon” ng mga akusadong opisyal ng Fujifilm ay maituturing na kriminal na panlilinlang laban sa Sunfu.
Ayon sa Resolusyon na may petsang Abril 12, 2022, sinabi ng piskalya na ang mga opisyal ng Fujifilm ay pinaniwala ang Sunfu na ito ay binigyan ng “First Tier Distributorship status” ngunit ang totoo ay ang mga opisyal ay may “layong suportahan ang katunggali ng nagrereklamo.”
Sa Resolusyon naman na may petsang Agosto 15, 2022, muling isinaad ng Tanggapan ng Piskalya na sa pagbibigay ng First Tier Certificate, ang mga opisyal ng Fujifilm ay gumawa ng “maling representasyon” at “panlilinlang at pandaraya” sa Sunfu.
Itinanggi ng mga opisyal ng Fujifilm sa kanilang counter-affidavits ang mga paratang ngunit ayon sa resolusyon ng Tanggapan ng Piskalya, “ang depensang pagtanggi, bilang isang negatibong depensa, at walang kaakibat na malinaw at kapani-paniwalang ebidensya ay hindi dapat bigyan ng konsiderasyon at hindi rin maaring bigyan ng mas mabigat na konsiderasyon kaysa sa mga paratang ng nagreklamo na ginawa sa tiyak at tahasang paraan, na walang anomang masamang motibo kaya ito ang kailangang mangibabaw kaysa sa depensa ng pagtanggi at alibi.”
Ang kriminal na impormasyon ay naisampa sa Metropolitan Trial Court of Pasig City.
Nagsampa naman ng Motion for Reconsideration sa piskalya ang Sunfu Solutions na nagsasabing ang asunto laban sa mga akusado ay dapat gawing estafa sa ilalim ng Art. 315(2) (a) ng Revised Penal Code.
Samantala, humingi ng suspensyon sa paglilitis ang mga opisyal ng Fujifilm dahil sa kanilang inihaing apela sa Department of Justice. (ENOCK ECHAGUE)
