Atty. Vic Rodriguez hinudas? PALASYO GINIGIBA

(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)

MISTULANG anay na kinabibilangan ng ilang malapit sa Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang nakikitang dahilan sa likod ng mga kontrobersiya sa Palasyo.

Nauna nang binasag ni dating Executive Secretary Vic Rodriguez ang kanyang katahimikan matapos kumpirmahin mismo ang kanyang tunay na estado.

Taliwas sa mga kumakalat na usap-usapan, wala aniyang sinoman ang namuwersang lisanin niya ang Palasyo kasabay ng giit na siya mismo ang humiling sa Pangulo na siya’y pahintulutan magbitiw sa hangaring makapaglaan ng sapat na panahon para makapiling ang pamilya.

Sa kanyang mensahe, sinabi ng de-kampanilyang abogadong nagsilbing tagapagsalita ni Marcos Jr. sa nakalipas na pitong taon, personal niyang desisyon ang pagre-resign bilang bahagi ng gabinete.

“I confirm that I have completely exited the administration of President Bongbong Marcos, after having spoken to him at length about my wish to spend most of my time with my family…a very personal decision that was happily made,” sambit ni Rodriguez sa unang talata ng kanyang Facebook post.

Sa kanyang pananahimik sa kabila ng mga malisyosong paratang at pangungutya, nanindigan si Rodriguez na pawang paninira lang ng mga tinawag niyang anay na gumigiba sa Palasyo, ang mga ibinatong alegasyon laban sa kanya.

Bumuhos naman ang suporta ng netizens sa dating Executive Secretary na anila’y mistulang biktima ng isang grupong naghahangad gibain ang matibay na pundasyon ng bagong administrasyon.

Para sa netizens, maruming pulitika sa kasakiman sa poder ang nakikita nilang dahilan sa kabi-kabilang intrigang ipinupunla sa loob mismo ng Malakanyang.

“Nasaan ba sila noong panahong higit na kailangan ni President Marcos ang kadamay? Nagsumiksik lang naman ang mga yan nung matunugan nilang liyamado si BBM di ba? Ngayon ang gusto nila kontrolin ang Palasyo,” hinanakit ng isang netizen.

Ayon pa sa mga tagasuporta ng dating Executive Secretary, ang sinapit ni Rodriguez ay patunay ng bangis ng kamandag ng mga ahas na nakapalibot ngayon sa punong ehekutibo – “Si Atty. Vic ang nagtanim, nagbayo at nagsaing, pero yung mga kampon ng kasamaan ang nanaig.”

Sa kabila nito, nanawagan pa rin si Rodriguez sa publiko na patuloy na suportahan ang administrasyong Marcos, kasabay ng pangakong tutulong pa rin sa pamahalaan – pero bilang isang “private citizen” na lamang.

Sa unang 100 araw ni Marcos sa Palasyo, ginulantang ng mahabang talaan ng kaganapan ang Malakanyang – kabilang ang sabayang pagbibitiw nina Press Secretary Trixie Cruz Angeles at Commission on Audit (COA) chairman Jose Calida, sa kabila pa ng kinakaharap na krisis ng bansa.

254

Related posts

Leave a Comment