BARADO sa isang grupo ng public school teachers si Vice President at Department of Education (DepEd) Secretary Sara Duterte matapos ipagmalaki na ang pagbubukas ng klase sa Nobyembre ay “top achievement” nito sa kanyang unang 100 araw.
“This is unfounded as what is more glaring now is the schools’ inability to do just that despite the DepEd’s band-aid solution to classroom shortage,” ani Alliance of Concerned Teachers of the Philippines spokesperson Vladimir Quetua.
Ayon nasabing grupo, pawang band-aid solution ang ginagawa ni Duterte sa kakulangan ng silid-aralan tulad ng shifting, temporary learning spaces at blended learning.
“Pero wala tayong naririnig na malinaw na plano para sa maramihang pagtatayo ng classrooms na siya naman talagang solusyon sa problema,” pahayag pa ni Quetua.
Nangangamba ang grupo sa kaligtasan sa COVID-19 sa mga paaralan dahil 50 hanggang 60 umano ang estudyante bawat klase kahit magkaroon ng shifting dahil sa kakulangan ng mga guro at silid-aralan.
Dahil dito, hinamon ng ACT Philippines si Duterte at ang kasalukuyang administrasyon na lagpasan o kaya tapatan ang ipinatayong silid-aralan ng Aquino administration sa huling tatlong taon nito.
Nabatid na 102,484 classrooms at school laboratories ang ipinatayo ng Aquino administration na hindi natapatan ng Duterte Administration dahil 48,487 classrooms at laboratories lang ang kanilang naipatayo sa huling tatlong taon.
Idinagdag ni Queta na “marapat lamang na higitan pa ng administrasyong Marcos-Duterte ang target at pondo sa pagpapatayo ng classroom para punan ang lumobong kakulangan. Ang edukasyon ng mga mag-aaral ang nasasakripisyo sa ganitong kalagayan, hindi tayo makakabangon sa krisis sa edukasyon hangga’t hindi ito nareresolba,” dagdag pang pahayag ng tagapagsalita ng mga ACT. (BERNARD TAGUINOD)
271
