INIHAYAG ni Quezon City Police District (QCPD) Director, P/BGen. Nicolas D. Torre III ang pagkakaaresto sa isang pulis sa kaugnay sa pamamaril na ikinamatay ng isang traffic enforcer sa EDSA, Brgy. Veterans Village, Quezon City.
Kinilala ni P/LT. Col. Imelda Reyes, commander ng PS-2, ang pulis na si P/Lt. Felixberto Rapana Tiquil, nakatalaga sa District Anti-Carnapping Unit (DACU) ng Manila Police District (MPD).
Ayon sa ulat, inihayag ng testigo na si Paul Timothy Delos Reyes, isang Lalamove rider, nag-deliver siya ng package sa Paco, Manila. Ngunit pagkatapos niyang mag-deliver ay nasira ang makina ng kanyang motorsiklo sa West Zamora St., Pandacan, Manila.
Bunsod nito, humingi siya ng tulong sa kanyang kaibigan na si Edgar Follero, isang miyembro ng Quezon City Department of Public Order and Safety (QC-DPOS).
Ngunit dakong alas-3:40 ng umaga noong Oktubre 13, 2022,
sa harapan ng Muñoz Market sa EDSA, Brgy. Veterans, Quezon City, habang ang biktimang si Follero ay nakasakay sa kanyang motor at itinutulak naman ni Delos Reyes ang kanyang motor, biglang dumating si Tiquil at binaril sa katawan si Follero.
Sa kabila ng tama ng bala sa katawan, nagawa pa ng biktima na imaneho ang kanyang motor at nakahingi ng tulong sa duty police officers sa EDSA corner Roosevelt Avenue, Quezon City.
Ang police officers ay agad nagresponde na nagresulta sa pagkakaaresto
kay Tiquil at nakumpiska sa kanya ang isang caliber 9mm Glock G17 GEN4, isang basyo ng fired cartridge sa kanyang chamber, at isa pang basyo ng balang ipinaputok.
Agad namang dinala ng ambulansya ang biktima sa Quezon City General Hospital subalit idineklarang dead on arrival ng attending physician. (JOEL O. AMONGO)
332 