SALA SA INIT, SALA SA LAMIG Ni EDDIE ALINEA
PINUTOL ng Barangay Ginebra ang pananalasa ng Bay Area Dragons ng Hong Kong sa 4-0 panalo-talo sa kasalukuyang PBA Commissioner’s Cup, noong Linggo sa Philsports Arena. Sa harap ng nagsisigawan at nagdadambahang 10,000 tagasunod ng Kings ay tinalo ng mga bata ni Coach Tim Cone ang Dragons sa 111-97 iskor.
Dahil sa kabiguan ng guest team, nasolo ng Magnolia Hotshots ang pangunguna sa second conference ng 47-taong PBA, pinakaunang liga propesyunal sa bansa at Asya. Napatunayan din ni Justin Brownlee at ng Ginebra na kayang talunin ang Dragons.
Aminado sina Cone at Brownlee, malaki ang naitulong ng homecourt advantage lalo ang suporta ng libo-libo nilang fans sa kanilang tagumpay.
“That felt like a finals game to us. It really did. And I had that feeling all the way through the day,” ani Coach Tim matapos ang laro.
Sinang-ayunan naman ito ng kanilang resident import. “I guess there was motivation. They were the top team in the league being 4-0.”
Dagdag ni Brownlee, gumawa ng 46 puntos kontra Dragons, ang naturang panalo ay hindi lang para sa Ginebra fans. “Also, just representing for the league and for the Philippines.”
“That was one of the things we said in the locker room — we’re not only representing Ginebra, we’re representing the whole league. And in many ways, we’re representing the country,” sabat naman ni Cone. “So yeah, we were really motivated.”
Sa totoo lang, nakatataba ng puso ang pahayag nina Coach Tim at Brownlee. Patunay ito na kailangan sila ng pambansang koponan sa 2023 FIBA World Cup (dating World Men’s Basketball Championship) na karamihan ng laro ay gaganapin dito sa ating bansa.
May mga ulat na isa o dalawa pang mga beteranong manlalaro mula sa NBA ang balak gawaran ng Filipino citizenship para palakasin ang Gilas Pilipinas. Ngunit sa ating palagay, hindi na kailangang tumingin sa malayo ang Samahang Basketbol ng Pilipinas. Nandito na si Brownlee na handang-handang maglaro para sa bansa. ‘Di siya tulad ng ilang mga Fil-Am na nang makasama sa Gilas ay ayaw nang maglaro dahil natatakot masaktan at makompromiso ang kalusugan.
207 