BI-TCEU CHIEF, KAPIT TUKO SA PUWESTO?

BISTADOR Ni RUDY SIM

TILA isang eksena sa naging pelikula ni Nadine Samonte na “Hari ng Sablay” ang sinapit na kamalasan sa totoong buhay ng kanyang asawa na si Immigration Officer-3 Richard Emerson Chua, makaraang bawiin ang kanyang naging promotion sa Bureau of Immigration, ­bilang chief ng Travel Control Enforcement Unit sa airport.

Matatandaang matapos sipain ni BI Commissioner ­Norman Tansingco noong October 5 ang dating chief ng TCEU na si Ma. Timotea Barizo ay ipinalit si Chua sa puwesto ngunit makaraan ang limang araw ay isang masaklap na pagbawi ang muling inilabas ni Tansingco na Personnel ­Order na nag-uutos na ibalik sa dating posisyon nito si Barizo. Saklap! Mabuti pa si Imelda Papin ay mayroong awitin na “Isang Linggong Pag-ibig.”

Kasabay ng ating artikulo noong October 10 na “TIRADOR SA AIRPORT NA-PROMOTE” ay muling naglabas ng panibagong Personnel Order ang commissioner ng ahensya na nag-uutos na ­ibalik ang dating namumuno sa TCEU na si Barizo at ­naging ­laman ng usap-usapan sa NAIA, maging sa punong ­tanggapan ng BI na ang ­dahilan umano ng pagkakasibak ng asawa ng aktres ay dahil daw sa ating pagbatikos? Weh!?

Maaaring ginamit lang tayo na dahilan upang pagtakpan ang tila kapalpakan ni Tansingco kung saan ayon sa nakalap nating impormasyon, ay hindi umano matanggap ni Barizo ang kanyang pagkakasibak sa airport kaya’t ito umano ay nagmukmok sa tanggapan ng isang senadora na kritiko ng ahensya.

Ano kaya ang dahilan at ayaw nito bitawan ang ­puwesto, mayroon kayang mina ng ginto sa airport? Gaano kaya ­katotoo ang ­tsismis na tinawagan ng senadora itong dating boss ni Tansingco na si dating BI ­Commissioner Marcelino ­Libanan, na ngayon ay isa nang party-list representative, upang ibalik ang Ale sa puwesto? Kung may katotohanan ito, bakit kaya sila nagpapadikta sa isang senadora, may dapat ba silang ikatakot sa oposisyon?

Naguguluhan umano ang mga kawani ng ahensya kung anong power mayroon itong si Barizo dahil tila mas marunong pa sa kanyang boss at sa naunang PO na pinirmahan ni Tansingco ay itinapon ang Ale sa Planning and Policy Division, ngunit nang muling bawiin ang kanyang designation ay napunta na ito sa satellite office ng BI sa SM Aura?

Sir, kung nais mo talaga ng pagbabago sa ahensya bakit hindi mo binawi ang pagkakatalaga mo sa isang IO na si alias “KS” bilang head supervisor sa kabila ng mga akusasyon sa kanya ng mga kawani rin ng BI na nakatalaga sa NAIA, na ito raw umano ay talamak na namamasahero?

Samantala, sino kaya itong isang kawani ng BI at member umano ng “Samar Group” na si alias “Dunhill cigarette” na nagtayo ng sariling consultancy agency upang makinabang ang kanilang fixing activities? ABANGAN!!

(ANG mga ipinapahayag sa kolum na ito ay ­sariling opinyon ng sumulat at hindi ­saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)

324

Related posts

Leave a Comment