MY POINT OF BREW Ni Jera Sison
PATULOY na nagtataasan ang presyo ng mga bilihin kaya nananatiling pagsubok sa maraming pamilyang Pilipino ang pagkasyahin ang budget para matugunan ang kanilang araw-araw na pangangailangan.
***
Kabilang sa itinuturong dahilan ng pagtaas ng presyo ay ang sigalot sa pagitan ng Russia at Ukraine. Ito ang dahilan kaya nagdulot ng pagsipa ng presyo sa produktong petrolyo. Nito nga lang Martes, nagkaroon na naman ng malakihang dagdag singil sa gasolina at diesel. Para sa mga ordinaryong mamamayan, katumbas nito ang pagtaas din ng pamasahe sa mga pampublikong sasakyan.
***
Apektado na rin ang operasyon ng mga kumpanya kagaya ng San Miguel Corporation na kamakailan ay humirit ng maliit na dagdag-singil sa binebenta nitong kuryente sa Meralco. Nais mabawi ng subsidiaries ng San Miguel ang halos P5.2 bilyong halagang nalugi para maipagpatuloy ang pagsuplay nito ng kuryente sa Meralco. Hindi inaasahan ng San Miguel na lolobo sa ganito kataas na presyo ang coal nang pumasok ang mga ito sa Power Supply Agreements (PSAs) sa Meralco noong 2019.
***
Sa desisyon nito ay hindi pinayagan ng ERC na bawiin ang halagang kanilang ikinalugi kahit na alam ng regulator na maaaring magdulot ito ng terminasyon ng kontrata sa pagitan ng San Miguel at Meralco at magdulot ng mas mataas pa na singil sa kuryente.
***
Ayon sa Meralco, susunod sila sa utos ng ERC at gagawin nito ang lahat ng posibleng paraan na nakasaad sa PSA upang maiwasan na ma-terminate ang kontrata dahil base sa kompyutasyon na ginawa ng Meralco, na mismong tauhan ng ERC ang nagkumpirma, mababa pa rin ang magiging presyo ng kuryente kahit na aprubahan ng ERC ang hirit na rate hike ng San Miguel.
***
Kung ikukumpara rin ang singil ng ibang mga distribyutor at electric cooperatives sa bansa, isa ang Meralco sa may pinakamababang singil. Kung matatandaan ay bumuhos ang reklamo sa ERC mula sa iba’t ibang consumers sa probinsya dahil sa sobrang taas na singil sa kuryente sa mga probinsya. Ang ilan pa ay nakararanas ng malawakang brownouts at ang realidad na ito ang kailangan pagtuunan ng pansin ng ERC.
***
Maaaring pabor sa consumers ang mga desisyon ng ERC sa ngayon, pero dapat intindihin din nito ang lagay ng mga generation companies. Malaking hamon ito sa pamumuno ng bagong ERC Chairperson Atty. Monalisa Dimalanta kung paano niya babalansehin ang mga pangangailangan ng consumers at viability ng operasyon ng generation companies.
***
Mahirap na kung mawalan ng gana ang mga power generation companies na makilahok sa ating power industry kung ganito ang mga desisyon ng ating gobyerno. Paano kung tuluyang malugi at nagsara ang mga kasalukuyang power generation companies sa bansa? Sana ay masolusyunan na ito ng ERC, o kung hindi naman, ay ng ating pamahalaan na mismo ang dapat magdesisyon dito, para sa ikabubuti ng bawat mamamayang Pilipino.
***
Nais kong batiin ang aking maybahay na si Red Sison ng Happy 32nd Wedding Anniversary. Ngayon din ang paggunita sa kaarawan ng aking ama na si dating Press Secretary Jess Sison. Kung nabubuhay pa ang aking ama, dapat ay 92 years old na siya.
