CAVITE – Binawian ang isang siklista nang banggain ng isang ambulansya na magdadala ng pasyente sa ibang ospital sa bayan ng Kawit sa lalawigang ito, noong Huwebes ng umaga.
Isinugod sa San Pedro Calungsod Hospital ang biktimang si Reynaldo Ortiz Reformado, nasa hustong edad, subalit dakong alas-10:25 ng umaga nang ideklarang patay.
Kinilala naman ang driver ng Nissan Urvan (ambulansya) na may conduction sticker na F1Q16,7 na si Romel Armiendo Armonia, nasa hustong edad
Ayon sa ulat ng pulisya, minamaneho ng driver ang ambulansya at may sakay ng pasyente at binabagtas ang kahabaan ng Centennial Road patungo sa direksyon ng Maynila.
Subalit pagsapit sa Brgy. Batong Dalig, Kawit, Cavite nang mabangga nito ang biktimang nagbibisikleta at papatawid sa kalsada dakong alas-7:15 ng umaga.
Isinugod ang biktima sa ospital kung saan nanggaling ang ambulansiya ngunit namatay habang nilalapatan ng lunas. (SIGFRED ADSUARA)
205 