QUEZON – Tatlo ang patay habang apat pa ang sugatan sa anim na magkakasunod na aksidenteng kinasasangkutan ng mga motorsiklo, sa bayan ng Sariaya sa lalawigang ito, noong Biyernes.
Unang binawian ng buhay ang 25-anyos na gasoline boy na si Norman John Luceriano nang ang minamaneho nitong motorsiklo ay masalpok ng isang van sa harap ng gasolinahang kanyang pinagtatrabahuan sa Maharlika Highway sa Brgy. Sto Cristo, bandang alas 1:30 ng madaling araw. Hindi umabot nang buhay sa pagamutan ang biktima.
Sumunod na namatay ang rider na si Nico Rivera nang ang kanyang motorsiklo ay sumemplang sa kurbadang bahagi ng national road sa Brgy. Sampaloc 1, dakong alas-5:00 ng umaga.
Nalagutan ng hininga ang isang babaeng backrider na si Cristina Santiago, 27, nang ang motorsiklong kinaangkasan nito at minamaneho ng kanyang mister na si Jonathan Santiago, ay sumalpok sa tagiliran ng isang kotse sa Maharlika highway, Brgy. Balubal, dakong alas-11:00 ng gabi.
Galing Laguna ang mag-asawa at papuntang Bicol nang mangyari ang aksidente matapos na biglang magmaniobra ang nasalpok na kotse sa gitna ng highway.
Dead on arrival sa ospital ang babae habang nilalapatan ng lunas ang mister nito.
Samantala, tatlo pang rider ang nasaktan sa tatlo pang motorcycle accident sa Barangay ng Balubal, Brgy. Poblacion 2, at Barangay Antipolo, pawang sa bayan ng Sariaya noon ding Biyernes.
Paalala ng mga awtoridad sa mga nagmomotorsiklo na maging maingat sa pagmamaneho lalo na kung gabi kung kailan kalimitang nangyayari ang aksidente, ganoon din ang pagsunod sa mga batas trapiko at mga panuntunan partikular kung babagtas sila sa national highway kasabay ng malalaking mga sasakyan. (NILOU DEL CARMEN)
356 