QUEZON – Makaraan ang tatlong araw pagkatapos buksan sa publiko ang Christmas display sa Perez Park sa Quezon Capitol sa Lucena City, pansamantala itong isinara sa publiko ng Quezon LGU.
Base sa FB post ng Quezon LGU, sinabing isasara muna ang parke upang isaayos ang ilang napinsalang mga dekorasyon at electrical wirings dahil sa pagdagsa ng mga tao noong pagbubukas nito.
Noong Nobyembre 25, pinangunahan ni Quezon Governor Angelina Tan ang ‘switch on ceremony’ ng multi-themed park na nagtatampok sa magagandang mga pailaw at mga dekorasyon sa ilang bahagi ng parke at sa katabi nitong neoclassical and art deco sa provincial capitol building.
Meron din itong ‘garden of flowers’ na kinabitan ng naggagandahang mga ilaw.
Subalit pagkaraan ng ilang araw, tumambad sa social media at mga nagtutungo sa parke ang mga sira at wasak nang Christmas decors.
Ikinadismaya ito ng mga netizen at iba pang nakakita sa mga larawan.
Wala pang anunsyo ang Quezon LGU kung kailan muling bubuksan ang park.
Sa halip, habang isinasailalim sa pagkukumpuni ang park, nag-post muna ang LGU sa kanilang Official Facebook account ng video ng isinagawang pagbubukas ng park na anila ay handog na virtual experience muna para sa publiko.
Hinikayat din nila ang publiko na ipakita ang disiplina para sa kalinisan, pangangalaga sa mga dekorasyon at pagtutulungan sa pagpapanatili ng kaayusan sa Paskong Quezonian sa Perez Park sa oras na muling magbukas ito. (NILOU DEL CARMEN)
