INISYATIBA SA PAG-UNLAD, IKINASA NI CONG. DONG GONZALES

SA GANANG AKIN Ni JOE ZALDARRIAGA

SA patuloy na pagsusumikap ng pamahalaan na muling mapaunlad ang ekonomiya ng bansa, kailangang tutukan ang mga isyu na matagal nang suliranin nito gaya ng mabigat na daloy ng trapiko na nag-uugat sa sistema ng transportasyon.

Kailangang mapunan sa lalong madaling panahon ang kakulangan sa imprastrakturang pangtransportasyon ng bansa. Kailangan ding magdagdag ng mga opsyon para sa pampublikong transportasyon, at higit sa lahat, ang masigurong nasa maayos na kondisyon ang kasalukuyang ginagamit na mga imprastraktura.

Lingid sa kaalaman ng karamihan, ang usaping ito ay hindi lamang nakasalalay sa pamahalaan. Napakahalaga ng pagtutulungan sa pagitan ng pampubliko at pribadong sektor sa paglutas ng mga suliranin ukol sa transportasyon gaya na lamang ng isyu ukol sa pangangailangan ng rehabilitasyon para sa mga viaduct sa Candaba na tumatawid sa Bulacan at Pampanga na 46 taon na mula nang ginawa.

Taong 2016 pa nang unang ipinahayag ni Deputy Speaker at Pampanga 3rd District Rep. Aurelio “Dong” Gonzales, Jr., ang ukol sa kalumaan ng mga viaduct na siyang makaaapekto sa kaligtasan ng mga komyuter at motorista. Bilyon-bilyong halaga rin ng produkto ang dumaraan dito mula at tungo sa National Capital Region (NCR) kaya’t ang tuluyang pagkasira nito ay malaki ang epekto sa mga aktibidad ng lokal na ekonomiya.

Kaya naman laking pasasalamat ng mambabatas nang ihain ng Metro Pacific Tollways Corporation (MPTC), operator ng North Luzon Expressway na nasa ilalim ng MVP Group, ang plano nitong gumawa ng ikatlong highway sa kahabaan ng dalawang 5.3 kilometrong viaduct habang sumasailalim sa rehabilitasyon ang mga lumang viaduct. Ayon kay Atty. Romulo Quimbo, Jr., ang Chief Communication Officer ng MPTC, tinatayang aabot sa P8 bilyon ang halaga ng bagong tulay na siya namang sasagutin ng kumpanya.

Inaasahang uumpisahan sa unang bahagi ng taong 2023 ang nasabing bagong proyekto. Ang pagtatapos ng konstruksyon nito sa 2024 ay tiyak na magpapaluwag sa daloy ng trapiko sa naturang highway. Sa pamamagitan ng bagong viaduct, madaragdagan ng tig-isa’t kalahating lane ang northbound at southbound na direksyon nito. Batay sa kanilang plano, ang bagong tulay ay ilalaan sa mga cargo truck at mabibigat na mga sasakyan habang ang mga bagong ayos na tulay ay ilalaan para sa magagaan na mga sasakyan.

Nagpakita naman ng buong suporta ang ilan pang ahensya ng pamahalaan na may kinalaman sa proyekto gaya ng Department of Public Works and Highways (DPWH), Department of Transportation (DOTr), National Economic and Development Authority (NEDA), at Toll Regulatory Board (TRB).

Napakalaking tulong na mayroong mga mambabatas gaya ni Cong. Gonzales na tumututok sa mga ganitong usapin. Nawa’y magpatuloy rin ang mga ganitong inisyatiba kung saan nagtutulungan ang mga ahensya ng pamahalaan at mga miyembro ng pribadong sektor. Gaya nga ng sinabi ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. (BBM), ang pagkakaisa ang susi sa muling pag-unlad ng ating bansa.

190

Related posts

Leave a Comment