NAGTULONG-TULONG ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno para sa malawakang road clearing operations sa Mabuhay Lanes upang maibalik ang kaayusan, kalinisan at mabigyang buhay ang Bagong Maynila.
Pinangunahan ang operasyon nina Usec Felicito Valmocina ng Department of the Interior local Government (DILG); mga opisyal ng Barangay Affairs; John Visca, director ng DILG Manila, at Ret. Col. Bong Nebrija, MMDA head ng Task Force Special Operations, kasama ang mga punong barangay, barangay kagawad at mga barangay tanod.
Habang nakaantabay para sa seguridad at pakikipagtulungan sa isinagawang road clearing operation ang mga tauhan ng Manila Police District, sa pamumuno ni Police Colonel Julius Cubos Añonuevo, hepe ng District Mobile Force Battalion (DMFB,) at sina Police Lieutenant Colonel Rosalino Ibay Jr., ng Raxabago Police Station 1, at Police Lieutenant Colonel Harry Ruiz Lorenzo III ng Moriones Police Station 2.
Naroroon din sina Police Lieutenant Romeo Estabillo, hepe ng District Mobile Unit (TMU), at Police Major Anthony Olgado, hepe ng Manila District Traffic Enforcement Unit, kasama ang kani- kanilang mga tauhan.
Layunin ng mga ito na linisin ang bawat bangketa at ang mga nakahambalang sa kalye ng mga pangunahing kalsada partikular na sa kahabaan ng Mel Lopez Boulevard na dating Road 10 sa Tondo. (RENE CRISOSTOMO)
390
