PATAY ang tatlong lawless elements sa ikinasang joint PNP-AFP operations nitong nakalipas na linggo na nagresulta rin sa pagkakasamsam ng apat na high powered firearms, ayon sa militar.
Ayon kay Maj. Gen. Alex Rillera, commander ng Joint Task Force Central, naglunsad ng joint law enforcement operation ang mga tauhan ng Philippine Army 602nd Infantry Brigade at Cotabato Provincial Police Office laban kina Abdullah Kurdotoy at Jonathan Kadalem sa Barangay Macabual, Pikit, Cotabato, Sabado ng madaling araw.
Sa ulat, bago pa madikitan ng mga awtoridad ang target na bahay ay sinalubong na sila ng sunod-sunod na putok ng baril mula sa grupo ni Kurdotoy na nauwi sa sagupaan.
Agad napatay sina Norman Samsudin at Maano Sanday at nasamsam ang dalawang M16 rifles at dalawang bandoliers. Nasugatan naman ang isang tauhan ng PNP.
Sa hot pursuit operation, nasabat ng blocking force mula 34th Infantry Battalion ang mga armadong lalaki sa bisinidad ng Sitio Galigayanan, Macabual.
Matapos ang ilang minutong engkwentro ay napatay ang isang alias Baganyan at nakakuha pa ng dalawang M16 rifles at isang homemade shotgun.
Ibinigay sa Pikit Municipal Police Station ang mga bangkay at ang mga nakuhang baril para sa proper disposition.
Samantala, pinapurihan ni Lt. Gen. Roy Galido, commander ng Western Mindanao Command ang mga tauhan ng 90th and 34th Infantry Battalions at maging ang Cotabato PNP sa kanilang magkatuwang na pagsisikap.
“Rest assured that we will sustain our good relationship with our partners to ensure the successful conduct of operations against the malefactors,” ani Lt. Gen. Galido. (JESSE KABEL RUIZ)
