CLICKBAIT NI JO BARLIZO
HINDI yata uso sa ilang opisyal ng pamahalaan ang halaga ng “usap tayo”, konsultasyon at masusing pag-aaral bago ihayag ang plano sa ikabubuti ng mamamayan na nagreresulta ng pag-ulan ng batikos at panunuya.
Heto ang isang halimbawa: Binatikos nang todo ang plano ni Health Secretary Ted Herbosa na bigyan ng trabaho sa mga pampublikong ospital ang unlicensed nursing graduates at bigyan ang mga bumagsak ng temporary license.
Ngunit, nilinaw ng Professional Regulation Commission (PRC) na walang probisyon sa Philippine Nursing Act of 2002 na bigyan ng temporary license ang mga nursing graduate na bumagsak sa Nursing Licensure Examination. Ipinagkakaloob lamang ang special o temporary permit para sa limitadong panahon sa mga banyagang nurse na inimbitahan para sa medical mission.
Ngunit, ayaw lumubay ni Herbosa. Nakipagpulong sa mga kinatawan ng PRC at Board of Nursing (BON). Nagkasundo sila na humanap ng legal na solusyon para ituloy ang planong bigyan ng trabaho ang mga nurse na semplang sa board exams.
Ginagawang rason ni Herbosa ang understaffing kaya isinusulong ang plano, at ngayon ay nagpapasaklolo sa mga mambabatas na amyendahan ang batas upang maging posible na ang pagkakaloob ng lisensya sa mga hindi pumasa sa board.
Kailangan ba muli na ulanin siya ng batikos nang mahimasmasan na?
Ayon sa Philippine Nurses Association at Filipino Nurses United, tinatayang 120,000 pang miyembro nila ang hindi nagtatrabaho sa larangan ng nursing.
Ito ang dapat tutukan at unahin ng DOH. Kaso, lumilihis. Ayaw bigyan ng solusyon ang nakahambalang na problema kundi gusto pang patungan ng ikabibigat nito.
Heto pa ang isang sablay – ang departamentong pinamumunuan ni VP Sara Duterte.
Ano ba ang motibo ng Department of Education (DepEd) sa pagpapalabas ng memorandum sa lahat ng regional at division offices na alamin ang mga gurong kasapi ng Alliance of Concerned Teachers (ACT Teachers)?
Ang departamento na balot ng maraming problema ay dapat nakatutok sa paghahanap ng solusyon upang iangat ang kalidad ng edukasyon sa bansa, kasama ang pagpapabuti ng kondisyon ng mga eskuwelahan, kapakanan ng mga mag-aaral, guro at mga empleyado.
Sa halip, pinag-iinitan nito ang mga kasapi ng ACT. Hindi kaya dahil isiniwalat ng mga ito ang ipinalalagay nila na hindi naaayon sa tamang pamamalakad at ibang sistema sa ahensiya?
Kinondena ng Makabayan bloc sa Kamara ang operasyon ng DepEd. Ito ay paglabag umano sa Konstitusyon at Republic Act 10173 o ang Data Privacy Act.
Kung patuloy ang profiling operation ng DepEd laban sa ACT Teachers, ano ang kabuntot nito? Red-tagging.
Aakusahang supporter ng Communist Party of the Philippines? Miyembro ng NPA o subersibo?
Ang pinuno ng isang ahensiya ay nakikipag-usap sa mga nasasakupan sa maayos na paraan. Ang sigalot ay tinatalakay nang hindi gumagamit ng mga alegasyon.
Lalong inilalayo ni Duterte ang kanyang sarili sa mga taong dapat ay kasangga niya sa tamang pagsulong ng edukasyon.
250 